MAG-UTOL ARESTADO SA P3.4-M SHABU

MAGUINDANAO DEL NORTE- ARESTADO ang magkapatid na big time drug pusher matapos makumpiskahan ng P3.4 milyong halaga ng shabu sa lalawigang ito.

Ang mga suspek ay kinilala ni Lt. Col. Sahibon Mamantal, chief ng DOS Municipal Police Station na sina Monzur Talusan, 35-anyos at kapatid nitong si Wuji, 19-anyos na kapwa nakatira sa Barangay Tambak, Sultan Kudarat, Maguindanao del Norte.

Sinabi ni Brig. Gen. Prexy Tanggawohn, police regional director para sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) na ang magkapatid ay pinaniniwalaang bahagi ng mas malaking illegal drug ring sa rehiyon.

Iniulat ni Lt. Col. Sahibon Mamantal, hepe ng DOS municipal police station, ang buy-bust ay isinagawa ng Police Drug Enforcement Group, Special Operations Unit-Bangsamoro Autonomous Region (PDEG-SOU-BAR) sa pampublikong pamilihan ng bayan.

Aniya, nagkasundo ang mga suspek na magbenta ng kalahating kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P3.4 milyon sa isang police undercover agent sa harap ng public market ng bayan dakong ala-5 ng hapon.

“Agad silang inaresto pagkatapos nilang ibigay ang mga ilegal na droga sa isang ahente ng pulisya,” sabi ni Mamantal.

Patuloy naman ang isinasagawang pagtugis ng mga awtoridad sa mga miyembro ng sindikato ng droga na nag-ooperate sa Maguindanao del Norte at Cotabato City. EVELYN GARCIA