MAG-UTOL NA WANTED SA MURDER CASE SUMUKO

KALINGA – NAGWAKAS ang 10 taong pagtatago ng mag-utol na nasa talaan ng top most wanted person dahil sa kasong murder matapos itong sumuko sa pulisya at lokal na pamahalaan ng lalawigang ito kamakalawa.

Sa pakikipagdiyalogo ng pulisya at mga opisyal ng Barangay Council sa Upper Lubo sa bayan ng Tanudan, sumuko ang mag-utol na sina Segundo Lingbawan, 55-anyos at nakababata nitong kapatid na si Christopher Lingbawan, 32-anyos, kapwa wanted sa kasong murder.

Ayon sa pulisya, ang magkapatid na Lingbawan ay sinasabing nasa likod ng pamamaril at pagpatay kay Limbangan Abuwac Banya-ao noong Agosto 29, 2010 kung saan ang pangunahing motibo ay clan war.

Nabatid din na nagpalabas ng warrant of arrest si Judge Marcelino Wacas ng Kalinga Regional Trial Court noong Mayo 30, 2011 laban sa mga suspek na kung saan walang inirekomendang piyansa.

Pagpasalamat naman si Kalinga police director Colonel Davvy Limmong sa pakikipagtulungan ng mga opisyal ng Barangay Upper Lubo sa para mai-turnover ang mga suspect sa pulisya. MHAR BASCO

Comments are closed.