BUTUAN CITY – DALAWANG paslit na magkapatid ang nasawi nang masunog ang kanilang bahay kahapon ng tanghali sa Sitio Dao, Purok 2, Brgy.Camayahan, Butuan City.
Sinabi ni Pastor Janito Pacudan, kapitbahay ng mga biktima, na naglalaro ng lighter sina Gabriel Tante, 4-anyos at Janjan Tante, 2-anyos, at sinindihan ang banig, kumot at kulambo, na siyang pinagmulan ng apoy.
Dali-dali pa umano niyang dinala ang mga bata sa pagamutan at nakapagkuwento pa si Gabriel na siya ang nagsindi sa kanilang mga gamit sa pagtulog.
Ayon kay Pacudan, posibleng hindi na nakayanan ng mga bata ang natamong paso sa katawan na dahilan ng kanilang kamatayan.
Napag-alamang naiwan ang magkapatid sa kanilang tahanan nang mag-igib ng tubig ang kanilang ama, habang nasa downtown naman ang ina upang mamili ng kanilang gamit kaya walang nakasaklolo sa mga bata. PILIPINO Mirror Reportorial Team
Comments are closed.