MAG-UTOL NALAMBAT SA BUY BUST

ARESTADO ang dalawang magkapatid sa ikinasang buy-bust operation ng Las Piñas police Station Drug Enforcement Unit (SDEU) kung saan nakuhanan ang mga ito ng P112,880 halaga ng shabu nitong Sabado.

Sa isinumiteng report ni Las Piñas police chief Col. Jaime Santos kay Southern Police District (SPD) director Brig. Gen. Jimili Macaraeg, kinilala ang mga suspect na sina Randy Tianan, 41-anyos at ang nakababatang kapatid nito na si Mark Anthony, 24-anyos, kapwa residente ng Las Piñas City.

Base sa imbestigasyon ay nakatanggap ng impormasyon ang SDEU tungkol sa ilegal na aktibidad ng magkapatid kung kaya’t nagsagawa ang mga ito ng surveillance operation at nang magpositibo ang nakuhang impormasyon ay agad na ikinasa ang buy-bust operation.

Nagkaroon ng transakyon sa mga suspek ang mga awtoridad sa pamamgitan ng isang tauhan ng SDEU na tumayong poseur-buyer na nagkasundong magkita sa Durian St. Golden Acres, Barangay Talon Uno, Las Piñas City.

Nakumpiska sa posesyon ng magkapatid ang 16.6 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P112,880, isang asul na coin purse at ang P200 buy-bust money.

Ang narekober na shabu na gagamiting ebidensya para sa pagsasampa ng kaso sa mga suspects ay dinala sa SPD Forensic Unit para sa chemical analysis.

Nahaharap sa kasong paglabag sa R.A. 9165 (illegal possession of prohibited drugs) sa Las Piñas City prosecutor’s office ang magkapatid na suspects na kasalukuyang nakapiit sa custodial facility ng lokal na pulisya. MARIVIC FERNANDEZ