CAVITE – NABISTO ng mga operatiba ng drug enforcement group ang modus operandi ng mag-utol at pinsang drug traders makaraang makumpiskahan ng P136 milyong halaga na shabu sa inilatag na buy-bust operation sa bahagi ng Molino Blvd., Brgy. Mambog IV, Bacoor City kamakalawa ng gabi.
Nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 ang mga magkapatid na na sina Isaac Gabriel Ambulo y Pardon, 29-anyos; Roman Hosias Ambulo y Paydon, 25-anyos, trike driver, kapwa nakatira sa Quiapo, Manila; at ang pinsan nikang si Abdurrahim Ambulo Disomimba, 41-anyos, ng San Fernando City, Pampanga.
Tinutugis naman ng mga awtoridad ang dalawa pang suspek na sina Saddam Hadji Gaffor at Nabil Madarang na pawang nasa talaan ng COPLAN RANGAR na sinasabing lantaran ang modus operandi sa pagpapakalat ng illegal drugs sa ilang lugar sa Metro Manila, Cavite, at karatig lalawigan.
Base sa inisyal na ulat ni Lt. Col. Arnulfo Ibanez, isinailalim sa surveillance ang grupo ng suspek kaugnay sa bentahan ng shabu sa nasabing lungsod at nang magpositibo ay inilatag ang buy-bust operation.
Magkatuwang sa anti-illegal drug operations sa pangunguna ni PDEA4A agent Theonette Solar (PO Cavite) ay ang grupo ng SOU NCR, PNP DEG lider na si P/Lt. Ryan Jay Esquivel; SOU4A, SDEU, Bacoor CPS, RDEU, Cavite PPO, RID, RDEU, RSOG, PRO4A, CIDG RFU PRO4A, RIU4A, at ang PDEA NCR.
Bandang ala-6:15 ng gabi nang masabat ang mga suspek habang nakatakas naman sina Gaffor at Madarang kung saan nasamsam ang 20 kilong shabu na may street value na P136 milyon; marked money na ginamit sa buy-bust operations
Narekober din ang isang kotseng silver na may plakang ZDJ368, assorted identification cards at ilang dokumento at dalawang cellular phone.
Ayon sa itinalagang imbestigador ng pulisya na si Patrolman Marvin Veniegas, isinailalim sa tactical interrogation ang mga suspek kung saan binitbit na sa SOU NCR sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City para sa documentation at proper disposition. MHAR BASCO