MAG-UTOL TIMBOG SA ILEGAL NA DROGA

NASAKOTE ng mga tauhan ng Taguig City police ang magkapatid na drug pusher makaraang makumpiskahan ng shabu at marijuana/kush kamakalawa ng gabi.

Kinilala ni Taguig City police chief Col. Joey Goforth ang mga suspek na sina alyas Rosario, 52-anyos at alyas Rio, 54-anyos.

Base sa police report na isinumite ni Goforth kay PNP director ng Southern Police District (SPD) Brig. Gen.Manuel Javier Abrugena, isinagawa ang pagdakip sa magkapatid dakong alas-11:30 ng gabi sa Brgy. Sta. Ana, Taguig City.

Nabatid na nagsasagawa ng foot patrol ang mga tauhan ng Taguig City police Sub-station 4 nang natiyempuhan ang mga suspek na nagsasagawa ng ilegal na aktibidad na nagresulta ng kanilang pagkakaaresto.

Narekober sa mga suspek ang dalawang nakataling transparent plastic at isang heat-sealed transparent plastic sachet na 103 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P700,400.

Nasamsam din ang transparent plastic ng pinatuyong dahon ng marijuana na 29 gramo n may street value na P40,600.

Ang mga nakumpiskang ebidensya ay dinala sa SPD Forensic Unit para sumailalim sa chemical analysis habang nakapiit sa custodial facility ng Taguig City police ang mga suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002).

MHAR BASCO