(Mag-uudyok ng 2nd wave ng COVID-19 —Galvez) REOPENING NG MALLS IBINASURA

General-Carlito-Galvez-Jr

IBINASURA ng chief implementer ng COVID-19 response ng pamahalaan ang mga panawagan na muling buksan ang malls sa gitna ng banta ng coronavirus disease 2019 o COVID-19.

“Sa personal opinion ko, kapag binuksan agad natin ang mga mall posibleng magkaroon ng second wave ng COVID-19,” wika ni Secretary Carlito Galvez Jr.

Nauna nang ipinanukala ni Presidential Adviser on Entrepreneurship Joey Concepcion ang unti-unting muling pagbubukas ng malls, kung saan bibigyang prayoridad ang tenant stores na may mataas na consumer demand.

Inirekomenda rin ni Concepcion na payagan ang public transport, construction, at lahat ng manufacturing activities na makabalik.

Gayunman, sinabi ni Galvez na, “Kapag binuksan natin ang lahat ng negosyo maaaring malagay sa [alanganin] ang kalusugan ng mamayan.”

Aniya, nagkasundo ang mga miyembro ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases na hindi maaaring madaliin ang ‘normalcy’.

Sakaling isulong ng gobyerno na gawing ‘selective quarantine’ ang Luzon-wide enhanced community quarantine, sinabi ni Galvez na ang ‘new normal’ ay ipatutupad sa mga lugar na aalisin ang quarantine.

“New normal is social distancing, wearing of masks, protecting elders… and big congregations wala na muna ‘yan,” aniya

“‘Yung mga i-o-open natin na mga negosyo kailangan responsable sa kanilang mga employee at kanilang mga buyer,” sabi pa ni Galvez.

“Dapat hindi lang government ang nag-a-adjust. Dapat pati ang private sector,” dagdag pa ng opisyal.

Ang Luzon-wide enhanced community quarantine ay magtatapos sa Abril 30.

Comments are closed.