MAGAAN, MASAYA ANG BUHAY SAPAGIGING BEAUTICIAN

MULA sa dating pagiging sales provider ng isang telecommunication company ay isa na siya ngayong fulltime beautician.

Ito ang buhay ni Elizabeth Adalia, 49-anyos, may asawa at  dalawang anak at taga- Pitogo, lungsod ng Makati.

Sa kuwento ni Elizabeth taong 1997 ng sumailalim siya sa isang training session na ipinagkakaloob ni Ricky Reyes sa mga kababihan o kalalakihan na nais kumita ng salapi sa pamamagitan ng pagpapaganda ng mukha, buhok, hitsura at daliri sa kamay at paa ng mga tao.

Ayon kay Elizabeth matapos niyang matuto mula sa Ricky Reyes training ay nagsubok siyang mamasukan sa ibat-ibang mga salon.

Gayundin, sinubukan din niyang pumasok bilang sales provider subalit hindi siya nagtagal dito dahil sa kaliitan ng kita.

Naikuwento ni Elizabeth na habang nagtatrabaho siya bilang sales provider ay may sideline din siya bilang make up artist noon na lubhang maganda ang kitaan bukod sa pagmamanikurista.

Dahil dito, namuhunan si Elizabeth ng P5,000 para sa mga gagamitin niya sa pagma-make up at paglilinis ng kuko.

At agad nitong nabawi ang kanyang puhunan at kumita pa ng sobra-sobra dahil sa kanyang pagsisikap at pagtitiyaga na puntahan ang kanyang mga customer sa kanilang mga bahay kahit ito ay malayo pa.

Karamihan naman sa kanyang mga naging customer nais magpa-make up ay pawang sa wedding pero mayroon din namang birthday katulad ng debut.

Noong kasagsagan naman ng pandemya ay hindi naman siya nawalan ng pag-asa at patuloy din kumikita dahil sa home service.

Ang mga home service ni Elizabeth na mga customer ay mga kakilala niya o dati na niyang customer at kung minsan ay mayroong referral ng kanyang mga dating customer o kakilala rin.

Kaya laking pasalamat ni Elizabeth nang makilala at matanggap siya ng kanyang bagong amo ngayon na nagma-may-ari ng 3F Sister Barbershop and Salon na matatagpuan sa Guadalupe, Makati City.

Pagbabahagi ni Elizabeth dalawang taon na ang nakalilipas nang magsimula siyang mamasukan sa kanyang kasalukuyang pinapasukan ay hindi man lamang siya nakaramdam ng hindi magandang trato kundi itinuring siyang pamilya.

Sa kasalukuyan, bukod sa P300 arawang allowance ni Elizabeth sa Salon ay mayroon siyang porsyento sa bawat customer na kanyang mapagsisilbihan.

Tinukoy ni Elizabeth ang usapan nila ng kanyang boss ay 50/50 o hatian sa kita sa bawat customer na kanyang mapagsisilbihan.

Ang napakaganda pa ang lahat ng gamit na kinakailangan sa paglinis ng kuko o foot spa, make up at iba pang serbisyo ay inilaan lahat ng may-ari ng shop.

Katuwang naman ni Elizabeth sa pagpapalaki sa kanyang dalawang anak na 7-anyos at 3-anyos ay ang asawa nito na isang tricycle driver.

Habang wala silang mag-asawa sa kanilang bahay binabantayan naman ng kanyang ina ang dalawa nitong anak.

Si Elizabeth ay pumapasok sa Salon sa ganap na alas-7 ng umaga at umuuwi rin ng alas-7 ng gabi.

At siyempre masa­yang-masaya rin si Elizabeth sa tuwing may customer ang magbibigay sa kanya ng ngiti at pasasalamat at higit sa lahat ay tip bilang dagdag na kita.

Sa ngayon, bukod sa  kanyang trabaho sa Salon ay nag-e-extra rin si Elizabeth na mag-alok ng mga bagay na kikita siya ng hindi naapektuhan ang kanyang tungkulin o trabaho sa kanyang pinapasukan. CRISPIN RIZAL