NAGPANUKALA ang consumer advocate Laban Konsyumer Inc. (LKI) na pagaanin ang customs procedures sa imported face masks para mapababa ang presyo nito sa gitna ng tumataas na demand sa produkto dala ng kasalukuyang coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Sa isang text message kamakailan, inudyukan ni LKI President Victorio Mario Dimagiba ang gobyerno na alisin ang tariff para sa raw materials para sa produksiyon ng face masks, na bukod sa magaang customs entry procedures para sa produkto at raw materials.
Sinabi ni Dimagiba ang presyo ng surgical masks ay dapat bumaba kapag naalis na ng gobyerno ang taripa sa raw materials ng face masks, habang ang nag-iisang local manufacturer ay may kapasidad sa produksiyon nito.
Nag-iisa lamang ang local manufacturer ng face masks sa bansa, ang Medtecs International Corp. Ltd., na nangako na magsu-supply ng 2 milyong piraso ng surgical masks bawat buwan.
“If demand is high and production has capacity to produce the quantity demanded, there is economy of scale, and price should go down instead of up,” sabi niya.
Ang suggested retail price (SRP) para sa surgical face masks ay nasa PHP1 hanggang PHP8.
Nauna nang sinabi ni Department of Trade and Industry (DTI) Secretary Ramon Lopez na pinag-aaralan na ng kanyang departamento ang kasalukuyang SRP para sa surgical face masks dahil sa mataas na gastos ng produkto sa ibang bansa.
Sinabi ni Lopez na kasalukuyang tinatapos na ng Medtecs ang kanilang deals sa drugstores para masuplayan sila ng face masks.
“They prioritized the health workers and demands from DOH (Department of Health) and Red Cross,” sabi niya.
Maraming pangunahing drugstores, lalo na sa Metro Manila at kalapit na probinsiya ang may limitado o wala nang mabiling face masks mula nang kumpirmahin ng DOH ang unang kaso ng COVID-19 sa bansa. Tumaas ang demand at presyo magmula noon.
Nakapagprodyus na ang Medtecs ng 125,000 piraso ng N88 masks, na ang 70,000 piraso nito ay inihatid sa DOH at regional offices ng DTI.
Ang ibang 80,000 piraso ay ipoprodyus at ibabahagi sa 100 opisina ng Red Cross sa buong bansa, sabi ng DTI. PNA