MALAKING tulong sa mga miyembro ng Government Service Insurance System (GSIS) na nag-avail ng loan ang inilunsad na Program for Restructuring and Repayment of Debts (PRRD).
Partikular na mabebenipisyuhan nito ang mga guro na may mga nakabinbing pagkakautang lalo na ang mga malapit nang magretiro.
Ayon kay GSIS President and General Manager Jesus Clint Aranas, sa nasabing programa ay ire-restructure ang mga delingkuwenteng utang ng mga miyembro sa pamamagitan ng pag-aalis ng penalties o surcharges.
Gayunpaman, nilinaw ni Aranas na hindi kasama rito ang interest na siyang nakapaloob sa sandaling nag-avail ng loan ang isang miyembro.
Sinimulan noong nakaraang Disyembre ng nakaraang taon ang nasabing programa at umaabot sa 672,425 ang kuwalipikadong inactive members at nasa 986 ang nag-avail nito.
Gayundin, umabot sa 106 ang bilang ng na-restructure na loan at umabot na sa halagang P4.1 milyon ang naayos.
Nitong Enero 25 ay 41 na inactive members ang tuluyan nang nakabayad sa kanilang pagkakautang at may 29 naman ang patuloy na nagbabayad sa pamamagitan ng installment basis.
Bukod dito, inilabas na rin ang P12.95 bilyong GSIS Financial Assistance Loan (GFAL) sa may 36,692 personnel ng Department of Education (DepEd) na nagsimula noong May 2018.
“The combined nationwide figures posted in GFAL’s first six months of implementation signify positive acceptance by our members in DepEd. We continue to encourage qualified DepEd employees to avail of GFAL to ease their burden in paying their loans,”giit ni Aranas.
Ang GFAL ay isang debt-consolidation at balance-transfer facility na naglalayong tulungan ang DepEd workers na maayos nila ang kanilang outstanding loan balance sa accredited private lending institutions (PLIs).
Nabatid pa na mahigit sa kalahati ng kabuuang miyembro ng GSIS ay mga kawani ng DepEd. VICKY CERVALES
Comments are closed.