MAY mga maling isyu na bumabalot sa Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) at ang Philippine Basketball Association (PBA) na hindi nakatutulong sa muling pag-angat ng ningning ng larong basketbol sa ating bansa. Kilala ang Pilipinas bilang isa sa mga bansa sa Asya na lokong-loko sa basketball. Hindi naman tayo pinagpala na matangkad. Subalit imbes na magkahilig ang mga Pilipino sa mga isports tulad ng football, gymnastics, boxing at iba pa na hindi kailangan ng tangkad, nagpupumilit pa rin tayo sa basketbol.
Kaya naman, ang lahat ng mga Pilipino na sumusubaybay sa Gilas Pilipinas, PBA pati na rin ang mga kilala at premyadong torneo sa kolehiyo ay balitang balita sa ating bansa. Sa katunayan, marami sa ating mga kababayan ay nagmistulang ‘basketball analyst’ sa mga kaganapan ng nasabing laro sa ating bansa.
Kanya kanyang post sa social media ang iyong mababasa. Minsan ay may kapupulutan na ideya ngunit karamihan ay basura.
Halos nagkaroon na ng kaliwanagan sa isyu tungkol sa dating Gilas coach na si Tab Baldwin. Ang matagal niyang pananahimik ay nagkaroon ng samu’t saring opinyon kung bakit inalis siya at nagtatalo ang koponan ng Gilas. Nagsalita na siya at hinikayat ang mga mapag-panirang mga Pilipino na magkaisa para sa mas malaking hinaharap ng ating bansa. Ito ay ang pag-host ng FIBA World Cup sa susunod na taon. Kasabay rito ay magkakaroon din ng FIBA World Congress kung saan mahigit na 400 na delegado ay pupunta sa ating bansa. Ito ang mas mahalaga imbes na panay ang batikos at paninira natin sa SBP.
Heto na naman. Isang player ng Gilas Pilipinas na si Will Navarro ay napabalitang maglalaro sa Korean Basketball League subalit hindi pinayagan ng SBP at PBA dahil napapaloob pa siya sa isang legal na kontrata sa nasabing dalawang organisasyon.
Anak ng kuwago, nagbigay ng reaksiyon si Sotto, Belangel, Abarrientos, Slaughter at iba pang mga manlalaro na ang pangyayaring ito ay kumikitil umano sa kanilang kalayaan na umasenso sa kanilang ‘professional career’.
Ha?! Tama ba naririnig ko? ‘Professional career’ ba kamo? Puwes kung nais mo maging propesyonal, sumunod ka dapat sa usapan. Pumirma ng kontrata si Will Navarro sa SBP at NorthPort na isang miyembro ng PBA. Dapat sana ay nagpaalam muna siya bago siya pumirma na naman ng isang kasunduan.
Ilagay na lang natin sa ordinaryong sitwasyon. Kung ikaw ay isang empleyado na namamasukan at may nais na kumuha sa iyo na ibang kompanya na magbibigay ng mas malaking sahod, ikaw ba ay biglang aalis? May pirmadong kontrata. Tapusin mo ang kontrata mo. O kaya naman ay kausapin mo ang iyong empleyado na nais mong magpaalam dahil may malaking offer ang ibang kompanya. Napag-uusapan ito.
Tulad ng SBP at PBA, taliwas ito sa mga paratang ng ibang players at mga nagmamagaling sa nasabing isyu. Hangad ng SBP at PBA na sumikat sa ibang bansa ang mga manlalaro natin. Isang karangalan ito.
Ang problema lang kasi rito ay ang pamamaraan ng paglikas sa koponan nila.
Tila naliwanagan na si Will Navarro at nag-post ng opisyal na paumanhin sa SBP at PBA sa maling hakbang na nagawa niya at naunawaan ito ng nasabing dalawang organisasyon. Nakukuha naman ito sa mabuti at magandang usapan. Hindi nakukuha ito sa marahas na desisyon.
Kaya para sa mga ‘sikat’ na manlalaro natin sa basketbol, kayo rin ay may responsibilidad na tulungan at suportahan ang paglago ng basketbol sa Pilipinas. Huwag basta basta bumatikos kung hindi naman alam ang buong istorya.
Pagbutihin na lang ninyo ang basketball at ipaubaya ang mga usapang legal sa inyong mga kontrata sa magaling na abogado o manager.