MAGANDA ANG IBUBUNGA NG JAPAN TRIP NI PBBM

BAGO  tayo dumako sa main topic natin ngayong araw sa pitak na ito ay nais ko munang pasalamatan ang management at ang mga editor ng Pilipino Mirror sa pagkakataong makapagsulat sa pahayagang ito.

Isa ito sa mga hinahangaan kong diyaryo sa bansa na pinatatakbo ng Filipino Mirror Media Group na bahagi o dibisyon ng ALC Group of Companies ng namayapang Philippine Ambassador to Laos Antonio Cabangon Chua.

Noong April 16, 2012 hanggang March 19, 2017 ay “Salamín ng Katotohanan” ang slogan ng PM.

Kalaunan ay nagpalit ito at ginawang “Unang Tabloid sa Negosyo” ng patnugutan.

Si Amba ang founder nito habang naipasa ang pamumuno sa anak niyang si Boss D. Edgard Cabangon.

Aba’y nariyan naman ang super energetic at masipag na si Boss Rey “RB” Briones bilang Editor-in-chief, gayundin sina Maam Ana Federigan, Associate editor; Susan Cambri, Managing editor, at iba pa.

Sa pag-inog ng mga taon, patuloy ang pagyabong ng mga pahayagang gaya ng Pilipino Mirror na kaagapay ng gobyerno sa paghubog ng sambayanan.

Kaya naman, isang malaking karangalan na maging bahagi ng diyaryong ito na pinaniniwalaan ko na lalo pang lalago sa mga susunod na panahon.

Sa pamamagitan ng aking pitak, sisikapin kong maging bahagi ng tuloy-tuloy na pag-usbong ng adhikaing ipaabot sa karaniwang mamamayan ang katotohanan at palawakin ang saklaw ng mapagpalayang talakayan at pagbabalita.

Samantala, nasa Japan na si Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Tinatayang P150 bilyong investment pledges ang inaasahang maiuuwi ni Pangulong Marcos na magbibigay sa mga Pinoy ng tinatayang 8,000 trabaho.

Maliban nga raw kay Japanese Prime Minister Fumio Kishida at iba pang Japanese officials, makakapulong din ng Pangulo ang ilang kinatawan ng mga malalaking kompanya na gumagawa ng mga electronics, semiconductors, printers at wiring harness.

Sinasabing ang working visit ni PBBM sa Japan ay hanggang sa 12, 2023.

Umaasa tayo na makikita o mararamdaman nating lahat ang mga magiging bunga ng kanyang biyahe sa mga susunod na araw dahil hindi pa nga naman magtatapos sa pag-uwi sa bansa ang trabaho ng Presidente.