KUNG ang pag-uusapan ay kung sino ang pinakamalaking distribution utility (DU) sa bansa, isa lamang yan. Ito ay ang Meralco. Ang sakop ng kanilang prangkisa ay umaabot sa 39 na lungsod at 72 na munisipalidad. Masasabi na ang Meralco ang nagbibigay ng mahigit na 50 porsyento ng serbisyo ng koryente sa ating kapuluan.
Ang Meralco ay nakatuon sa Luzon lamang. Maliban sa kanila, may mga malalaking DUs din na naghahatid serbisyo sa mga malalaking lungsod tulad ng Cebu, Davao at sa Isla ng Panay. Ang mga ibang lalawigan naman ay may kani-kanilang electric cooperatives (EC).
May mga isyu sa ilan sa mga EC na hindi sapat ang ibinibigay nilang serbisyo sa kanilang mga customers. Maliban sa mataas sa singil ng kanilang koryente, madalas din ang mga brownouts sa kanilang lugar. Ito ay dahil sa kakulangan ng mga makabagong teknolohiya at kagamitan na dapat ay angkop sa lumalaking populasyon ng mga lalawigan ng kanilang sineserbisyuhan.
Kaya naman napatanong ako sa aking sarili. Maaari bang maging kasangga ng EC ang Meralco upang mapabuti ang kanilang serbisyo sa koryente?
Ayon kay Senior Vice-President and Chief External and Government Affairs Office Atty. Arnel Casanova, mukhang ito ang isang direksyon ng pinag-aaralan ng Meralco upang makatulong sa pag-angat ng ekonomiya ng ating bansa.
Bilang dating namuno ng Bases Conversion Development Authority (BCDA), alam na alam ni Atty. Casanova na ang mga lalawigan na sakop ng BCDA tulad ng Pampanga at Tarlac ay hinog na upang manghikayat ng mga malalaking negosyante na nais mamuhunan sa mga nasabing lalawigan. Napakalapit lamang nito sa Metro Manila. Dagdag pa rito ay ang puspusan na paggawa at pagplano ng mga malalaking proyekto ng ating gobyerno sa larangan ng transportasyon. Kaya mapapadali ang biyahe ng mga produkto mula sa gitnang Luzon patungo sa Metro Manila.
Isama pa natin ang plano pagtayo ng airport sa Bulacan. Aba’y talaga naman dapat kunin ito ng Pampanga at Tarlac bilang isang malaking oportunidad na mapalawak ang kanilang asenso sa ekonomiya.
Kaya noong nagsalita si Atty. Casanova sa ilang mga miyembro ng media sa Clark, Pampanga, inilahad niya ang posibleng partnership ng Meralco at Pampanga Electric Cooperative, Inc. II (PELCO II) sa pamamagitan ng tinatawag na investment management contract.
Ano ba ang ibig sabihin nito? Ang Meralco ay puwedeng maging kasangga ng electric cooperatives sa pamamagitan ng joint venture. Ang Meralco kasi, bilang isang malaking kompanya na eksperto sa industriya ng enerhiya at koryente, ay maaaring mamuhunan ng kapital sa mga piling electric cooperative upang mapaganda at mapalakas ang serbisyo nila sa kanilang mga customers. Kasama sa investment na maaaring ibigay ng Meralco sa mga EC ay infrastructure, systems, at personnel training and development sa mga tauhan ng EC.
Isa kasi na kailangang gastusan upang patuloy na malakas at stable ang koryente sa komunidad, ay pang -pagtatayo ng tinatawag na sub-station. Dito sa Metro Manila, makikita natin ang sandamakmak na sub-station. Ito kasi ang masisiguro na kapag nawalan ng koryente ang isang sektor ng lungsod, hindi maapektuhan ang kalahatan dahil nga sa mga sub-station.
Halimbawa, kung nagkaroon ng brownout sa bandang Cubao sa Quezon City, patuloy pa rin ang supply ng koryente sa parteng Novaliches dahil nga sa tinatawag na sub-station. Sa samang palad, karamihan ng mg EC ay wala nito dahil nga malaki ang kailangan na puhunan dito. Kaya kapag nag- brownout ang isang lugar doon dahil nagkaproblema sa kawad ng koryente, damay na ang lahat! Tsk tsk tsk…
“Meralco is willing to go to areas or provinces where we are welcome and form joint ventures with electric cooperatives needed there”. Ito ang mariin na sinabi ni Atty. Casanova.
Maganda ang naisip na panibagong programa ng Meralco upang tumulong sa mga EC. Hindi naman kaila sa lahat na Meralco ay may pruweba bilang isa sa pinaka -efficient at magaling sa professional management na ganitong kalaking kompanya na naghahatid serbisyo ng koryente sa Luzon. Aba’y 121 taon na sila sa serbisyo na bahagi na sa kasaysayan ng Pilipinas. Ilang pagsubok na ang pinagdaanan ng Meralco at nandito pa rin sila at patuloy na nagpapaganda ang kanilang serbisyo para sa ating mga mamamayan.
At sa mga bumabatikos sa Meralco? Susmaryosep, tingnan muna ninyo kung ano ang naiambag ninyo sa kasaysayan ng Pilipinas. Kung wala naman, tumahimik na lang kayo.