MAGANDA BANG MAG-FRANCHISE?

dok benj

TANONG: Doc Benj, gusto ko pong mag-franchise para may dagdag kita raw po ako, maganda po ba ito?

Sagot: Magandang isipin na kung may dagdag kita ay pasukin mo na subalit hindi ‘yan simpleng sabihin at malamang ang papasukin mong franchise ay kailangan mong unawain pa para malaman kung maganda ba talaga o hindi. Narito ang ilang puntos na dapat isaalang-alang:

1. Kahulugan ng Fanchise – Mahalagang maintindihan mo na ang ibig sabihin ng Franchise ay authority o pagkakataong binibigay sa iyo ng tunay na may-ari na gamitin ang pangalan ng kumpanya nila at malaman mo ang paraan ng pag-business nila para ikaw ay makapag-business din gamit ang kanilang pangalan. Kaya ang ibig sabihin nito ay may karapatan kang gamitin ang business name dahil mayroon na silang magandang naitayong business at ‘di mo na kailangang gumawa ng sarili mong konsepto at dala-dala mo na ang kanilang credentials, ngunit ikaw ay magbabayad para magkaroon ka ng pribilehiyo. Kaya isipin mo kung mas mahirap ba na ikaw ang mag-umpisa ng produktong ibebenta at hindi mo sila kailangan o mas akma sa ‘yo na (franchisee) makisali na sa kanilang pangalan at magpatulong sa kanila, basta handa kang magbayad sa franchisor (may-ari ng company) ng franchise fee. Mababawasan ang kita dahil sa franchise fee pero baka mas bawas ang sugal sa negosyo dahil nakadikit ka na sa may pangalan.

2. Puhunan – I-consider mo ang puhunan dahil may franchise fee at baka mas makakatipid ka kung ikaw ang mag-develop ng sariling kompanya. Isipin na sa pag-uumpisa ay dapat maisama sa puhunan ang pagpapakilala ng business, mga marketing activities, gastusin sa pag-set-up at baka naman mas mainam na kumuha na lng ng franchise. May mga mahal na franchise fee dahil nagsasabi silang sigurado kang mababawi. Mag-ingat sa ganitong mga salita dahil marami pa ring dapat isipin kung magi-ging matagumpay ang negosyo at hindi porke’t may franchise ay sigurado na. Aralin ang kontrata o fanchise agreement para malaman ang mga babayaran at dapat na maitulong sa ‘yo ng franchisor. Kaka-yanin mo ba ang puhunan ng may franchise fee o ikaw ang unti-unting mag-uumpisa ng produkto at kakayanin mong gumastos na maka-develop ng sarili mong concept at products na naaayos din sa iyong location at kakayanan.

3. Operations – Kung may franchise mas madali mo nang maiintindihan ang operations ng business dahil may maggagabay sa’yo, may trainings sila at orientation. Madali mo nang mauumpisahan ang business dahil may mga examples na rin sila at ‘di mo kailangang mag-isip ng produkto at ang pag-develop ay nasa franchisor na rin. Subalit, dahil sa patuloy na suporta ng franchisor, may kaakibat itong bayad o tinatawag na royalty fee. Mahalagang maikumpara mo kung ano-ano ang pagkakaiba sa mga royalty fee o monthly charges, mayroong maliit, mayroong malaki at ang tanong ay kumusta ang kikitain mo kapag nagbayad ka ng royalty. Maaaring walang royalty at sasabihin sa ‘yong one time franchise fee lang, pero maaaring wala na silang support and maintenance sa ‘yo at mangangapa ka na sa operations or baka bibili ka lang ng produkto sa kanila.

4. Owner ng Business – Maunawaaan mo na kung sino ba talaga ang may-ari o owner ng negosyo para sa decision making mo. Kapag franchisee ka, may mga ipinagbabawal ang franchisor at hindi mo puwedeng gawin sa business mo. Alamin kung hanggang saan ang puwede mong desisyunan para sa ikabubuti ng negosyo mo o baka naman ang trato sa ‘yo ay para ka ring empleyado ng kompanya na sunud-sunuran sa franchisor at ang malungkot ay nalulugi ka tapos naniningil pa sila ng royalty sa ‘yo. Nakuha mo nga ng mura ang franchise pero baka ang lumalabas ay empleyado ka lang ng franchisor.

5. Marketing – Kung may franchise ibig sabihin ay binibili mo ang karapatan na dalhin ang pangalan at katuwang nito ang mga gagawing pag-promote ng franchisor sa inyong kompanya. Gagawa ang franchisor ng mga paraang makilala pa kayo, maipakita sa tao na magandang bilhin ang produkto ninyo at may demand. Alamin kung magkano ang babayaran mo sa mga ganitong arrangements at isiping mababawasan ang kikitain mo. Baka wala kang control sa mga marketing activities at imbes na ikabuti sa negosyo mo ay maging dahilan ng pagkalugi.

6. Produkto – Mas maganda kung ang produktong ibebenta ay may may kaalaman ka o madali mong maintindihan para sa mas mabilis mong pag-analyze kung kumikita ka ba talaga. Baka ang produkto mo ay kakain ng oras mo at kakayanan at maaapektuhan ang iba mong kabuhayan.

7. Business Development – Para sa patuloy na paglago ng negosyo at lalo na ngayon pabago-bago ang panahon, mahalagang tuloy-tuloy ang pag-aaral ng magandang produkto. Kung maganda ang franchisor, sila ay magpapatuloy sa pag-develop ng products at malamang kaya may royalty fee para mabayaran ang research and development. Alamin din kung ikaw ba mismo ay puwedeng gumawa na sarili mo pang produkto o magbenta ng ibang products na puwedeng isamang ibenta.

8. Time o Panahon at Kakayanan – Masarap isiping kikita ka, pero alalahanin mo na hindi ito magic. Kailangan mo talagang paglaanan ng panahon at kakayanan ang pagnenegosyo. Kung nag-franchise ka maaaring may natipid kang panahon at ‘di na kinailangang kakayanan pero kaakibat nito ay bayad sa mga nagtrabaho para sa ‘yo at liliit ang iyong kita.

Mahalagang isipin na para kumita ay kailangang magtrabaho, at mas malaki ang kita kung mas paglalaanan ng panahon. Ilan lamang ito sa mga puntos na dapat isaalang-alang sa pagkuha ng franchise.



Para sa mga ilan pang katanungan, maaari ninyo akong i-konsulta, i-email ninyo ako sa [email protected]. Kung may pangangailangan sa Accounting, Taxation, Audit o anumang business-related, matatawagan niyo ako sa 0917-876-8550. Si Doc Benj ay isang consultant sa business, professor at CPA.

Comments are closed.