NAGSIMULA na ngang uminit ang temperatura ng panahon at damang dama na natin ang tag-init. Hindi naman lingid sa kaalaman ng publiko na kapag ganitong umiinit na ang panahon, sumasabay rin ang pagtaas ng demand sa koryente. Kaugnay nito, tumataas din ang konsumo ng mga konsyumer dahil sa paggamit ng mga cooling device gaya ng aircon, refrigerator at mga bentilador.
Sa kabila ng panahon ng tag-init, napakagandang balita ang hatid ng Meralco para sa 7.6 milyong mga customer nito. Kamakailan ay inanunsiyo ng Meralco ang pababang paggalaw ng presyo ng koryente ngayong buwan ng Abril. Mula sa kabuuang presyong P11.4348 kada kilowatthour (kWh) noong Marso, ito ay bumaba ng halos P12 sa P11.3168.
Ang pagbaba na ito ay katumbas ng P24 na bawas-singil sa bayarin sa koryente ng isang pamilyang karaniwang kumokonsumo ng 200 kWh. Salamat na lamang at sabay-sabay bumaba ang presyo ng iba’t ibang singil na nakapaloob sa Meralco bill gaya ng generation charge, na siyang pinakamalaking porsiyento ng binabayaran ng mga konsyumer.
Bumaba ang kabuuang presyo ng generation charge dahil sa mas mababang presyo ng mga kompanyang pinagkukuhanan ng supply ng Meralco at ito ay naging sapat upang kontrahin ang posibilidad ng pagtaas ng presyo ng generation charge sanhi ng karagdagang P0.20 kada kWh na singil dito.
Kung ating babalikan, noong nakaraang buwan, inanunsiyo ng Meralco ang pagtaas ng presyo ng koryente dahil sa mas mataas na generation charge. Upang mas mapagaan ang epekto nito sa magiging bayarin sa koryente ng mga customer, minabuti ng kompanya na makipag-ugnayan sa mga supplier nito ukol sa utay-utay na pagsingil ng generation charge. Bilang resulta, magkakaroon ng karagdagang P0.20 kada kWh sa generation charge hanggang sa buwan ng Mayo sa halip na singilin ito ng isang bagsakan sa buwan ng Marso.
Nakatulong sa pagbaba ng presyo ng generation charge ngayong buwan ang mas magandang sitwasyon ng supply sa Luzon grid na siyang nagpababa ng presyuhan sa Wholesale Electricity Spot Market (WESM). Ngayong buwan, 32% ng supply ng Meralco ang nagmula rito.
Bukod sa maayos na sitwasyon ng supply, nakatulong din sa pagbaba ng generation charge ang paglakas ng piso kontra dolyar. Bilang resulta, bumaba rin ang singil mula sa mga power supply agreement (PSA) ng kompanya, na siyang pinagmulan ng 41% ng supply ngayong Abril.
Nagsibabaan din ang iba pang singil gaya ng transmission, buwis, at mga subsidiya. Nanatili ring suspendido ang paniningil ng Feed-in-Tarriff Allowance (FIT-All) hanggang Agosto 2023 sa bisa ng kautusan ng Energy Regulatory Commission (ERC). Inutos kasi ng regulator na ipagpatuloy ang pagpapaliban ng paniningil nito para sa karagdagang anim na buwan mula Marso.
Gaya ng lagi nililinaw ng kompanya sa tuwing inaanunsyo ang paggalaw ng presyo ng kuryente kada buwan, tanging ang distribution charge lamang ang singil na nakapaloob sa buwanang bayarin sa kuryente ang napupunta sa Meralco. Nanatiling walang paggalaw ang presyo nito mula nang nagrehistro ito ng pababang paggalaw noong Agosto 2022.
Ang generation charge, transmission charge, mga buwis, at subsidiya ay kapwa mga pass-through charge. Ibig sabihin, bagama’t ito ay kasama sa binabayaran sa Meralco, ito ay ibinibigay naman ng Meralco sa kinauukulan.
Ang generation charge ay napupunta sa mga generation company, habang ang transmission charge naman ay napupunta sa grid operator. Isinusumite naman sa pamahalaan ang mga bayad sa buwis, universal charge, at FIT-All.
Patuloy rin ang Meralco sa pagpapatupad ng refund kaugnay ng distribution charge na nagkakahalagang P0.8656 kada kWh para sa mga residential customer nito. Nakatakda na itong matapos sa Mayo at inaasahang mararamdaman ang epekto nito sa buwan ng Hunyo.
Bagama’t matatapos ang naturang refund, hindi pa rin masasabi kung magiging sanhi ba ito ng pagtaas ng presyo ng kuryente sa susunod na buwan. Sa tuwing inaanunsiyo ang presyo ng koryente kada buwan, madalas ay hinihingan kami ng pagtatala ukol sa magiging paggalaw sa susunod na buwan. Kaugnay nito, lagi naming ipinaliliwanag na mahirap masabi kung pataas ba o pagbaba ang paggalaw ng presyo dahil sa maraming bagay ang nakaaapekto rito.
Bilang payo, hinihikayat namin ang publiko na ugaliin ang pagiging matalino at masinop sa paggamit ng kuryente. Malaking tulong ito sa pagkontrol sa konsumo lalo na ngayong panahon ng tag-init. Ang simpleng pagbubunot ng mga gamit sa pagkakasaksak kung hindi naman ginagamit ay makatutulong sa pag-iwas sa tinatawag na “phantom load”. Panatilihing malinis ang filter ng mga aircon dahil kapag marumi ang mga ito, mas mahihirapan ang makina nito sa pagpapalamig sa kuwarto.
Ang mga nabanggit ay ilan lamang sa mga maaaring gawin ng customer upang makatipid sa koryente. Para sa kumpletong mga tip, maaaring bumisita ang customer sa opisyal na website ng Meralco sa www.meralco.com.ph.