INANUNSIYO ng Meralco kamakailan lamang ang magandang balita ukol sa muling pagbaba ng singil sa koryente ngayong buwan ng Hulyo. Mula sa P8.73 kada kilowatthour (kWh) noong Hunyo, ito ay bumaba sa P8.70 kada kWh ngayong Hulyo. Ang kabuuang pagbaba sa singil na P0.03 kada kWh ay may katumbas na humigit kumulang na P6 na pagbaba sa bayarin ng isang residensyal na customer na kumokonsumo ng 200 kWh kada buwan.
Ito na ang ikaapat na sunod na buwan na bumaba ang presyo ng generation charge at tinatayang umabot na ng higit sa piso kada kWh ang ibinaba ng singil sa koryente mula noong simula ng taon. Kung ikukumpara sa singil sa buwan ng Hulyo noong 2019 na nasa halos P10 kada kWh, hindi hamak na mas mababa ang presyo ng koryente ngayong Hulyo 2020. Sa katunayan, ang singil ngayong buwan ang tinatayang pinakamababang singil sa koryente mula noong Setyembre 2017.
Malaking tulong ang muling paggamit ng Meralco ng probisyon ng Force Majeure sa mga Power Suppply Agreement (PSA) nito. Kung hindi kasi nito ginamit ang nasabing probisyon ay tinatayang aakyat ang kabuaang presyo ng singil sa koryente ng P0.07 kada kWh. Umaabot na sa P1.85 bilyon ang kabuuang halaga na natitipid ng mga customer bilang resulta sa paggamit ng Meralco ng probisyon ng Force Majeure.
Bumaba rin ang transmission charge ngayong buwan ng Hulyo bunsod ng mas mababang Ancillary Service Charge. Nabawi ng P0.04 kada kWh na pagbaba ng nasabing charge ang P0.02 kada kWh na pagtaas sa buwis at iba pang singil. Natapos na kasi ang pagpapatupad ng adjustment na inaprubahan ng Energy Regulatory Commission (ERC) sa under at over recovery ng system loss noong nakaraang buwan.
Bilang pagsunod sa kautusan ng ERC ay nananatiling suspendido ang paniningil ng Meralco ng Universal Charge-Environmental Charge sa mga customer nito. Ito ay nagkakahalaga ng P0.0025 kada kWh.
Nananatili ring walang paggalaw ang Distribution charge mula noong Hulyo 2015. Ito lamang ang charge na napupunta sa Meralco. Hindi kumikita ang Meralco sa ibang pass-through charge gaya ng generation charge at transmission charge. Para sa inyong kaalaman, ang generation charge ay ang charge na siyang napupunta sa mga generation company o ang mga kompanyang nagsu-supply ng koryente sa Meralco. Ang transmission charge naman ay napupunta sa National Grid Corporation of the Philippines (NGCP). Ang ibang mga buwis at mga singil na base sa pampublikong polisiya gaya ng Universal Charge at FIT-All ay napupunta naman sa pamahalaan.
Malaking tulong sa mga customer ang muling pagbaba ng presyo ng singil sa koryente ngayong Hulyo. Bagama’t patuloy ang pagbaba ng singil sa koryente ay hinihikayat pa rin ng Meralco ang mga customer nito na ugaliin ang masinop at matalinong paggamit ng koryente. Samantalahin nawa ng mga customer ang mababang singil na kasabay ng pagpasok ng mga buwan kung saan mas mababa na ang temperatura ng panahon.
Upang mapagaan ang alalahanin ng mga customer ukol sa mga naipong gastos ngayong panahon ng community quarantine, pansamantalang sinususpinde ng Meralco ang operasyon nito sa pagpuputol ng koryente ng mga customer na hindi pa nakakabayad ng mga bill nito sa Meralco. Ang suspensiyon na ito ay tatagal hanggang sa katapusan ng buwan ng Setyembre, ayon kay Meralco President & CEO Atty. Ray C. Espinosa.
Dagdag pa rito ay inanunsiyo rin ni Atty. Espinosa na muling sasagutin ng Meralco ang convenience fee na nagkakahalaga ng P47 para sa mga customer na nagbayad at magbabayad ng kanilang mga bill sa pamamagitan ng Meralco Mobile App. Ibabalik, aniya, ng Meralco ang mga nasingil na convenience fee sa mga customer noong panahon ng ECQ, MECQ, at maging ngayong nasa panahon ng GCQ. Ang refund ay maaaring makita sa inyong credit card, e-wallet, o online bank account, depende kung ano ang ginamit sa pagbabayad sa Meralco Mobile App.
Patuloy rin ang pagpapatupad ng Meralco sa direktiba ng ERC ukol sa hulugang pagbabayad ng Meralco bill ng mga customer. Kung ang konsumo ng isang customer noong Pebrero 2020 ay 200 kWh pababa, ang customer ay maaaring magbayad ng mga bill noong ECQ ng hanggang anim na buwan. Kung ang konsumo naman noong Pebrero 2020 ay 201 kWh pataas, apat na buwan naman ang palugit sa pagbabayad.
Hindi rin humihinto ang Meralco sa pagpapaliwanag sa mga customer nito ukol sa nangyaring pagtaas ng konsumo ng mga ito noong panahon ng ECQ. Bilang karagdagang opsyon at kaginhawaan sa customer na nakapagbayad na ng buo ng kanilang mga bill noong Marso, Abril, at Mayo, maaari silang mag-request ng refund kung sakaling gustuhin nilang bayaran na lamang nang hulugan ang mga nasabing bill. Ihanda lamang ang resibo ng pinagbayaran at ang mga kaukulang pagkakakilanlan gaya ng valid na ID at dalhin ito sa Meralco Business Center na nakasasakop sa inyong lugar upang maiproseso ang refund.
Nangangako ang Meralco na gagawin nito ang lahat upang matulungan ang mga customer nito ngayong panahon ng pandemya. Nananatili ring bukas ang mga Meralco business center ngayong panahon ng GCQ upang tumanggap ng bayad ng mga customer at magproseso ng iba pang transaksiyon gaya ng service application.
Bagama’t bukas na ang mga opisina ng Meralco, para sa kaligtasan ng mga customer ay mas mainam pa rin kung gawin na lamang sa online ang transaction. Maaari ring itawag ang anumang katanungan o concern sa Meralco Hotline na handang magbigay ng serbisyo 24/7sa bilang na 16211. Maaari ring mag-iwan ng mensahe sa Facebook at Twitter page ng Meralco.
Makaaasa ang mga customer ng Meralco na ginagawa ng Meralco ang lahat ng makabubuti at makatutulong sa mga customer nito. Sisikapin din ng kompanya na maipaliwanag nang maayos ang singil sa koryente para sa buwan ng Mayo at Hunyo, kung saan naipakita ang aktwal na konsumo ng customer noong ECQ. Sinisiguro ng Meralco na wala itong ibang basehan sa singil kung hindi ang datos lamang na nakukuha sa metro ng mga customer kaya makaaasa ang mga ito na kung ano lamang ang konsumo ay siya lamang sisingilin. Hindi mapapagod ang Meralco sa pagpapaliwanag at sa pagsagot sa lahat ng katanungan ng mga customer. Higit sa lahat, makaaasa ang mga customer sa 24/7 na serbisyo ng koryente mula sa Meralco.
Comments are closed.