TILA maganda ang simula ng taong 2021 kung ikukumpara ito sa pagpasok ng taong 2020. Bagama’t nananatili pa rin ang pandemyang COVID-19 sa bansa at sa kabila ng pagkakaroon ng bagong uri ng nasabing virus, sinundan naman ito ng magandang balita ukol sa nalalapit na pagdating ng bakuna sa bansa. Kahit paano ay nakikita na natin ang liwanag sa dulo ng ating napakahabang laban sa pandemya. Kabilang din sa patuloy na naghahatid ng magandang balita sa gitna ng pandemya ay ang Meralco sa pamamagitan ng mababang presyo ng koryente.
Kamakailan lamang ay aming inanunsiyo ang tungkol sa pagbaba ng presyo ng koryente para sa buwan ng Pebrero. Mula sa singil na P8.75 kada kilowatthour (kWh), ito ay bumaba sa P8.68 kada kWh. Ang P0.07 kada kWh na pagbaba ay nangangahulugan na ang isang tahanan na kumokonsumo ng 200 kWh kada buwan ay makakakuha ng humigit kumulang P14 na bawas sa kanilang bill ngayong buwan ng Pebrero.
Kung pagkukumparahin, ang singil ngayong buwan ay mas mababa kaysa sa singil noong Pebrero ng nakaraang taon. Ang singil sa kaparehong buwan noong nakaraang taon ay nasa P8.86 kada kWh. Ang pagbaba sa presyo ng koryente ay epekto ng pagbaba ng presyo ng generation charge.
Bukod sa generation charge, ang transmission charge ay nagkaroon din ng pagbaba ng presyo ngayong buwan. Ang distribution charge na siyang bahagi ng bill na napupunta sa Meralco ay nananatiling walang paggalaw mula noong July 2015.
Napakagandang balita nito para sa mga konsyumer lalo na ngayong panahon ng pandemya. Malaking tulong ang mababang singil ng koryente ngayong buwan ng Pebrero.
Isa pang magandang balitang hatid sa inyo ng Meralco ay ang muling pagpapalawig ng ‘No Disconnection Policy’ nito para sa mga lifeline customer nito. Ang mga lifeline customer ay ang mga konsyumer na ang konsumo kada buwan ay hindi tumataas ng higit sa 100 kWh. Batid namin sa Meralco ang matinding epekto ng pandemya lalo na sa mga lifeline customer.
Bagama’t ang muling pagpapalawig ng aming ipinatupad na ‘no disconnection policy’ ay para lamang sa mga lifeline customer o ang mga customer na ang konsumo kada buwan ay hindi 100 kWh pababa, ipinapangako namin na bukas ang Meralco upang tulungan ang iba pang mga konsyumer na nakararanas ng paghihirap sa pagbabayad ng kanilang naipong bayarin sa koryente.
Sa kabila ng muling pagbabalik ng aming operasyon sa pagpuputol ng serbisyo ng koryente, aking binibigyang-diin sa mga mga panayam at anunsiyo na hindi namin prayoridad ang putulan ng serbisyo ang mga konsyumer. Ang mga konsyumer na nagnanais na makipag-usap sa amin ukol sa espesyal na kasunduan sa pagbabayad ay maaaring pumunta sa pinakamalapit na business center sa kanilang tahanan. Ang aming maipapayo ay makabubuti kung idulog agad sa aming mga opisina ang inyong pakiusap at huwag nang hintayin na maputulan pa ng serbisyo ng koryente.
Sa kabila ng pagbaba ng presyo ng koryente ngayong buwan ng Pebrero, nais pa rin naming ipaalala ang kahalagahan ng matalino at masinop na paggamit ng koryente. Ang pagsasaugali nito ay makatutulong sa paghahanda para sa pagpasok ng buwan ng tag-init na karaniwang nagsisimula sa buwan ng Marso. Ang simpleng pagtanggal sa saksakan ng mga kagamitang de koryente na hindi naman ginagamit ay malaking tulong na sa pagtitipid sa koryente. Makatutulong ang kaugaliang ito sa mas pagpapababa ng konsumo at ng bayarin kada buwan.
Bagama’t paunti-unti nang nagbabalik sa normal ang aming operasyon sa Meralco, sinisiguro namin na kami ay kaisa ng pamahalaan sa pagsiguro na mayroong maaasahang supply ng koryente sa bansa lalo na ngayong panahon ng pandemya. Bukas ang aming mga tanggapan sa pagtulong sa mga customer lalo na kung usapin sa pagbabayad ng bill ang suliranin ng mga ito. Basta’t ang amin lamang pakiusap ay idulog sana agad sa amin ang problema bago dumating ang araw ng pagpuputol ng serbisyo ng koryente.
Patuloy pa rin ang aming pagbibigay ng serbisyo sa mga konsyumer sa gitna ng pandemyang COVID-19. Upang hindi maikompromiso ang kalusugan ng empleyado at ng konsyumer, ipinatutupad sa lahat ng opisina ng Meralco ang social distancing. Ang lahat ng papasok sa opisina ng Meralco ay dapat nakasuot din ng face mask at ng face shield. Asahan ding bago pumasok sa Meralco ay mayroong tauhan na kukuha ng inyong temperature upang masigurong walang sintomas ng COVID-19 ang pumapasok dito.
Makakaasa ang mga konsyumer na ang Meralco ay laging handang magbigay ng serbisyo – may bagyo man o iba pang kalamidad. Maging ang pandemyang COVID-19 ay hindi magiging hadlang sa pagbibigay ng serbisyo publiko ng Meralco.
Comments are closed.