MAYNILA-INIULAT ng Department of Health (DOH) na umakyat na sa mahigit 700 ang bilang ng mga bagong kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa bansa.
Sa isang virtual presser, kinumpirma ni Health Secretary Francisco Duque II, alas-4:00 ng hapon ay nakapagtala pa ang DOH ng karagdagang 71 bagong kaso ng sakit, mula sa dating 636 lamang, kaya’t umakyat na ito sa kabuuang 707.
Ayon kay Duque, nadagdagan din naman ang bilang ng mga pumanaw sa sakit ng 7, mula sa dating 38, kaya’t umabot na sa 45 ang kabuuang bilang ng mga binawian ng buhay dahil dito.
Ang magandang balita naman, ani Duque, ay nadagdagan din ng dalawa ang bilang ng mga pasyente na gumaling sa sakit, na mula sa 26 ay nasa kabuuang 28 na ngayon.
Sinabi ng kalihim na mahalaga ang naturang magandang balita dahil ito’y palatandaan na ‘di dapat haluan ng stigma ang mga COVID19 patients, gayundin ang patients under investigation at maging ang mga health worker.
Nanawagan din si Duque na bigyan ng respeto ang mga health worker at magmalasakit sa bawat isa ngayong panahon ng krisis.
Muli rin namang pinawi ni Duque ang pangamba ng publiko sa pagdami ng kaso ng sakit dahil inaasahan na aniya nila ito.
Paliwanag pa niya, bunga lamang ito ng pagdami ng mga taong nasusuri na ng DOH laban sa virus. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.