Ang mundo ay nagulantang sa malawakang epekto ng pandemya noong Enero 2020, tumigil ang galawan sa komersiyo, trabaho, edukasyon, pati mga byahe sa mundo; hindi naging madali ang paghupa ng epekto gawa ng wala pang bakuna kontra Covid19 noon.
Nang naideklara ng pinakapuno ng World Health Organization (WHO) na nagtatapos na ang “public health emergency,” ito na ang naging hudyat para maging panatag na ang lahat kahit papaano.
Sa pahayag ni Tedros Adhanom Ghebreyesus, Director-General ng WHO, “The risk remains of new variants emerging that cause new surges in cases and deaths.” Nananatili ang panganib bunga ng mga bagong variant na maaaring pagmulan ng mga bagong kaso at sanhi ng kamatayan.
Bagamat hindi maisasantabi ang banta ng pandemya, may magandang naging bunga ang pandemya sa pangkalahatan:
1. Nanumbalik ang mainit na samahan sa pamilya.
Sa pangyayaring sa bahay lamang dapat manatili noong panahon ng pandemya, nanumbalik ang mainit na samahan sa pamilya. Sa paghinto ng mundo sa labas, sa loob ng bahay ay naging lugar para magkakwentuhan ng matagal at gawin ang mga bagay na matagal ng hindi ginagawa katulad ng paglalaro ng board games, panonood ng pelikula ng sabay-sabay, pagpili ng mga pagkaing maaaring pagsaluhan at pagbabalik-tanaw sa mga kinamulatan at naging gawi sa pamilya noong araw. Ito nga ay nagpatuloy na maski nagbigay na ng kapanatagan ang deklarasyon ng WHO. Kaya hindi mabibilang ang mga nabuong Group Chat (GC) sa mga pamilya para alamin lamang ang lagay ng magulang, kapatid, anak, pamangkin, mga lolo at lola.
2. Naging prayoridad ang kalusugan at kaligtasan
Naging mahalaga ang bawat segundo ng pag-iingat. Nakahanda lagi ang mga alcohol, sabon at gamot na panlaban sa kung anong sakit ang dadapo. Amoy na amoy ang disinfectant at alcohol na ginagamit sa mga kabahayan. Ang pagkakaroon ng sipon ay hindi pinagwawalang-bahala, nakatanim na sa isipan ng bawat isa ang tiyak na kaligtasan laban sa Covid 19. Naging gawi na ang paglilinis at pagdisimpekta sa mga gamit na galing sa labas. Sa higit pang kaligtasan at proteksyon ng bawat isa, nagpabakuna ang mga mamamayan. Ang ilan ay nasundan pa ng pagpapabakuna sa anti-pneumonia at anti-flu.
3. Nagbukas ng daan para sa pangunahing dapat matutunan sa bahay
Marami ang nagbuhos ng panahon sa pagtatanim sa bakuran o kung maliit ang pwesto sa tinitirahan, sa mga paso na lamang. Naging abala din ang ilan sa panunulsi, isang bagay na hindi na ginagawa ng lahat dahil abala sa trabaho. Natuto ding magkumpuni at nagkaroon ng panahong maipaayos ang mga kagamitan sa bahay na may silbi pa at maaari pang gamitin. Ang nagpangiti sa lahat ay ang pagdiskubre ng mga putahe na maaari palang lutuin sa murang halaga at kahit hindi kumpleto ang sangkap, nagbigay daan sa simpleng pamumuhay.
4. Nakapagdagdag ng kaalaman sa iba pang paggamit sa kompyuter
Sa kadahilanang umiikot ang mundo sa koneksyon sa internet, pati ang ilang kasama sa bahay ay naturuan ng mga dapat malaman sa pagko-kompyuter. Dito nagkaroon ng pagkakataon ang mga mas bata na turuan ang kanilang mga magulang o nakakatanda sa bahay ng daloy ng komunikasyon gamit ang kompyuter at teknolohiya. Ang pakikipag-ugnayan ay napakadali at mabilis din ang sagutan sa iba’t ibang platforms sa social media.
5. Nagkaroon ng pagdadamayan hindi lamang sa mga kamag-anak at kaibigan
Binigyan puwang ang pagdadamayan kahit gamit lamang ang Facebook, Messenger o Instagram. Hindi na dahilan kung malayo o malapit, kung nasa Pilipinas o nasa ibang bansa.
Lahat ay madadamayan at mababati ng “Happy Birthday.”
Basta may oras para sa kaibigan o kakilala, libre ang pakikipag-chat. Ang mga hindi hirati sa Group Chat ay nawili na rin at natuto ng makipag-ugnayan ng may video pa.
6. Napahalagahan ang “Work from Home”
Bagama’t nanunumbalik na ang ilan sa pagtratrabaho sa opisina, may ilan pa rin may opsyon kung sa opisina o sa bahay pa rin magtratrabaho. Sa mga trabahong maaari ang “Work from Home” sila ay pinapayagan pa, ngunit sa iba na kinakailangan ng mag-report sa opisina, sila ay nararapat nang mag-report. Sadyang may mga trabaho ngayon na kahit “Work from Home” ay binibigyan ng pagkakataon ng namamahala sa opisina, lalo na sa mga gawaing kompyuter ang pangunahing gamit at hindi malalaking makina sa opisina.
7. Nabigyan ng katuturan ang “digital” at “online learning”
Hindi na ipinagtataka ang digital at online learning pagkaraan ng pandemya. Isa pa ring opsyon ito sa mga paaralan at pamantasan. May mga sinipag mag-aral at nakatapos ng kurso. Nagbunsod ito sa pag-aaral na maski online ay may matutunan na hindi ito gawaing tamad o may kaluwagan. Ang “online learning” ay siniseryoso at hindi binabalewala, naging mas mabilis ang pananaliksik at sa ngayon kinukuha ang positibo na maaaring makuha sa AI o Artificial Intelligence.
Handa naman ang mga pamantasan sa mga isusumite na kopya ng pananaliksik at mga sinulat na ginamitan ng AI Tools. Kung magiging masinop ang mag-aaral marami ring mapupulot na aral sa gawaing sarili at kung may kapareho sa AI. Ang mahalaga makabuo ng orihinal na manuskrito ang mag-aaral.
8. Napagtuunan ng pansin ang “online shopping”
Ang naging mahigpit na kalaban sa komersyo ng mga malls ay ang pagpasok ng “online shopping.” Hanggang ngayon patok na patok ang “online shopping” sa mamimili. Ito ay tunay na mabilis na transaksyon lalo na sa mga produktong subok na at maaasahan.
Ito ay isang gawi na pagkaraan ng pandemya ay mahirap nang alisin sa mga mamimili. Una, hindi na sila makikipagsapalaran sa traffic. Pangalawa, sa presyo, bukod sa may mga “vouchers” pa silang magagamit at free shipping o delivery. Pangatlo, madali nang maikumpara sa mga nauna nilang transaksyon kung tunay nga ang produkto. Pang-apat, sa bilis ng pagpapadala ng produkto ngayon, hindi na magdadalawang isip ang mamimili.
Pwede na ring magpabili sa grocery o sa palengke, gamot at iba pa, maski ang pagkain ng pets ay maaari na rin, gamit sa kompyuter at “gadgets,” mga kagamitan sa bahay, appliances man o hindi, at lahat ng kakailanganin sa kabahayan.
9. Naging panatag ang ilang mag-aaral
Sa ilang obserbasyon sa mga kabataan, ang ilan sa kanila ay naging panatag at naging palaisip. Tunay na may epekto sa kabataan, nakatulong ito sa pagkabalisa ng kabataan sa maraming bagay. Nakatutok pa rin sa kanilang mga mobile phones ngunit pinag-iisipan na ang lagay ng panahon. Nakikiramdam at nagmamatyag, kung kaya’t hindi dapat tawaran ng matatanda ang kanilang kabataan sa pagproproseso ng mga bagay-bagay. Mas nagbibigay na rin sila ng halaga sa mga diskurso tungkol sa buhay at sa haharaping bukas.
10. Nagbigay ng mas malalim na kahulugan ng respeto
Isa sa positibong epekto ng pandemya ay ang pagsasalang-alang sa respeto. Nagkaroon ang bawat isa ng pagpapahalaga sa bawat isa, sa bawat sektor ng lipunan: mayaman o mahirap, matanda o bata, malusog o may sakit. Ang sakit, ang pagkapahiya ay hindi monopolyo ng may alam lamang o nakaka-angat sa buhay.
Ang bawat nilalang ay binibigyan ng respeto. Ang respeto ay hindi para sa iilan lamang. Kung kaya’t sa nangyaring pandemya, pina-igting ang malalim na kahulugan ng respeto. Ang bawat buhay ay mahalaga, respeto ang magsasalba sa pagkakakilanlan sa tao.
– RIZA ZUÑIGA