MAGANDANG NEGOSYO SA PAGGAWA NG TARI AT MGA GAMIT NITO

PUSONG SABUNGERO

MARAMING opportunities ang hatid ng industriya ng sabong sa ating bansa. Ngayon ay nakikita ko ang mga magandang hatid sa negosyo ng paggawa ng tari. Mula sa kalidad ng bakal, panghasa, garol, at iba pa, talagang patuloy ang mabilis na paglago ng industriya ng paggawa ng tari.

Ayon sa aking pagsasaliksik ay umaabot sa isang milyong manok ang nailalaban kada buwan sa buong bansa. Alam naman natin na bawat isa sa kanila ay lalagyan o kakabitan ng tari. Kung atin pong tutuusin ay sa tari pa lamang ay bilyong piso na ang ginu-gugol ng mga sabungero kada taon upang makalikha ng pinakamagandang uri ng bakal at gamit sa tari. Sinabi kong magandang pagkakakitaan dahil maraming nasa loob ng negosyong ito ang nakasalamuha ko na tulad ni RICHARD CALITAN BILAN, kiniki-lalang supplier ng pinakamagandang uri ng bakal para sa tari tulad ng KINKELDER SUPREME 3000 at KARNASCH  na gawa pa sa Holland at Germany. Ang tari maker na si DONDON RAGAODAO ay isa sa gumagamit ng mga bakal na ito na hanga sa kanilang uri, kalidad, tibay at talas. Si BONG ENSONG na pangulo ng Pinoy Gaffers Association ay isa rin sa mga kinikilalang mana-nari sa bansa na siyang tumutulong sa mga mananari na gawing isang uri ng marangal na hanapbuhay ang pagtatari ng mga manok pansabong.

Libo-libo ang mananari sa bansa at ngayon ay tumulong na rin si GAMES AND AMUSEMENT BOARD CHAIRMAN ABRAHAM BAHAM MITRA na mabigyan ng accreditation ang mga mananari sa pamamagitan ng mga workshop sa standard ng pagtatari at mga regulasyong bumubuo rito. Sa ngayon ay higit na sa isang libong mananari ang nabigyan ng accreditation, ayon kay Glenn Pe ng Cockfighting Division ng GAB.

Sa laki ng mga opportunity sa mundo ng pagtatari ay pumasok na rin sa bansa si ANDREAS THIEL NG KAMPFSTAHL GERMANY upang mag-supply ng mga dekalidad na metal sa mga tari maker sa bansa tulad nina CARLO NICOLAS ng Carlo Tari Maker sa Cavite at ARNELLE VENDERO ng Cebu. Sa darating na Mayo 18, Sabado, ay bubuksan ang showroom ng KAMPFSTAHL STEEL TRADING sa Alabang, Zapote Road, Las Piñas. Sa pamamahala nina CHAZ SETIAS AT OLLIE ay makatitiyak po kayong makakapili ng mga top of the line at dekalidad na mga uri ng bakal para sa ating mga tari.

Sa ngayon, ang potensiyal ng industriya ng tari pa lamang ay aabot na sa higit kumulang 5 BILYONG PISO at ito ay papalago pa dahil sa pagpasok na rin ng mga bansang tulad ng Vietnam, Cambodia, Indonesia, Malaysia, Guam, Hawaii at marami pang iba.

Sa panghuli ay malamang pumasok na rin sa bansa ang galing ng mga Hapon sa paggawa ng tari sa pamamagitan ng pamamaraan ng paggawa ng samurai na ipakikila nina ARNEL TUNGCAB at MORI, isang Hapon na nakita ang magandang potensiyal ng industriya ng tari sa bansa.

Paalala po na simu­la na ang WORLD SLASHER CUP 2 na gaganapin sa Araneta Coliseum sa Mayo 27 hanggang Hunyo 5. May magandang alok sa mga bibili ng tickets ng mas maaga at bultuhan kung saan magbibigay ang ARANETA ng diskuwento sa mga mano­nood sa lahat ng araw ng laban sa Araneta.

Comments are closed.