TUMAAS ng 5% ang kinita ng Meralco nitong taon. Ayon sa liderato ng pinakamalaking distributor ng koryente sa bansa, maganda ang lumabas na mga numero pabor sa kanila maski na kaliwa’t kanan ang hamon na kinakaharap nila ngayong taon. Dagdag pa rito ay ang mga batikos ng mga militanteng grupo na nais pabagsakin ang nasabing institusyon.
Kasama na sa mga hamonng kinaharap ng Meralco ay ang pagtaas ng presyo ng langis na kung minsan ay nakaaapekto sa presyo ng mga produkto na nakasalalay rito, tulad ng pamasahe sa pampublikong transportasyon, pagkain, koryente at iba pa. Natututong magtipid tuloy sa koryente ang mga kostumer ng Meralco. Bagama’t ganito, nagbibigay pa rin ng tips o kaalaaman ang Meralco sa kanilang mga konsyumer kung papaano magtipid sa pamamagitan ng kanilang regular na ‘Meralco Advisory’ na napanonood sa telebisyon at naririnig sa radyo.
Dito nga ako minsan napapaisip sa mga protesta ng mga militanteng grupo na kung minsan ay naiimpluwensiyahan ang ilan sa mga kostumer ng Meralco. Ang tanong, gusto ba natin na ang mga kompanyang namamahala sa mga basekong pangangailangan natin tulad ng tubig, koryente at gasolina ay bumagsak sa kanilang negosyo? Ano ang mangyayari sa atin kung magsara ang mga ito? Sasaya ba tayo na malugi sila ngunit ang kapalit ay pangit na serbisyo? Gusto ba natin na gapatak na lang ang lalabas na tubig sa gripo natin? Nais ba natin na nagkakaroon ng brownout tulad noong administrasyon ni Cory Aquino? Matutuwa ba tayo na patuloy na tataas ang pasahe sa pampublikong transportasyon dahil sa taas ng presyo ng krudo at gasolina?
Malinaw na ehemplo rito ay ang nangyayari ngayon sa Panay Electric Company o PECO. Umalma na ang mga kostumer nila dulot ng umano’y maling pamamahala at kawalan daw ng malasakit sa kanilang pinagseserbisyuhan sa mga mamamayan ng Iloilo. Umabot na sa puntong malimit ang brownout daw doon. Malaki rin daw ang pagkakautang nila sa mga nagsusuplay ng koryente sa kanila. Bintang sa kanila ay ‘mismanagement’. Mahigit na isang siglo na ang PECO na namamayagpag sa isla ng Panay. Ayon sa mga nag-aakusa sa kanila ay pangit ang pamamahala nila kaya umabot sa ganitong sitwasyon.
Ang prangkisa ng PECO ay nakabimbin ngayon sa Kamara at tila walang planong aksiyunan ito ng mga kongresista. Matatapos ang prangkisa ng PECO sa Enero sa susunod na taon. Papaano na ang mangyayari sa mga kostumer nila sa Iloilo?
Sa totoo lang, ang ating gobyerno ay may mga ahensiya na nagre-regulate sa mga ito. Ang Energy Regulatory Commission (ERC) ay tungkol sa mga negosyo ng koryente at langis. Ang Metropolitan Manila Water Works System (MWSS) naman ay para sa mga nagnenegosyo sa tubig inumin natin. Ang National Telecommunication Commission (NTC) naman ay para sa paggamit natin ng cellphone, telepono at internet. Bukod dito, may mga iba pang ahensiya ng gobyerno na ganito rin ang uri ng tungkulin. Ito ay upang bantayan ang mga nagnenegosyo sa isang sektor ng lipunan para maiwasan ang pang-aabuso sa presyo at kumita sa maling pamamaraan. Tulad ito sa bigas, asukal, agrikultura at iba pa.
Medyo lumihis lang ako ng kaunti sa nais kong talakayin sa aking kolum. Ang punto ko ay dapat matuwa pa tayo sa resulta ng pamamahala sa Meralco dahil nagpapatunay lamang ito na mahusay ang pamamalakad nila. Ang 5% na angat sa kanilang kinita ngayong taon ay tama lamang at hindi maaaring maparatangan na sila ay ganid. Nasabi ko ito dahil sigurado ay may maririnig na naman tayo sa mga militante sa balitang ito. Sisigaw sila sa harap ng Meralco at sasabihin na, “Uy, kumita ang Meralco. Mga gahaman! Dapat ay hindi kayo kumikita!” Eh, ano ang gusto nating mangayari? Malugi sila? Tandaan na ang hanapbuhay ay karapatan ng bawat tao upang… ayun na nga… mabuhay.
Ang mga pumapasok sa malalaking negosyo ay nakatutulong upang magbigay ng trabaho sa mga tao. Maraming empleyado ang Meralco. Nakasalalay ang kinabukasan ng kanilang pamilya sa pagiging empleyado ng Meralco. Ganoon din sa iba pang malalaking mamumuhunan o investors na nais pumasok o kasalukuyang gumagawa ng mga malalaking proyekto ng gobyerno na magtutulak ng ekonomiya natin pataas. Kapag maganda ang kanilang pamamahala, magbibigay ito ng hanapbuhay at trabaho sa ating mga kababayan. Kaya congratulations, Meralco!
Comments are closed.