MAGANDANG PANIMULA SA PHILIPPINE SPORTS COMMISSION

HALOS  mahigit dalawang linggo pa lamang mula nang naitalaga si dating PBA commissioner Noli Eala bilang chairman ng Philippine Sports Commission (PSC), subalit marami ng nangyari sa larangan ng palakasan sa ilalim ng kanyang pamamahala.

Una rito ay ang magandang simulain upang magkaisa ang pagsuporta ng PSC sa mga layunin ng Samahang Basketbol ng Pilipinas o SBP upang masiguro ang tagumpay na pag-host ng Pilipinas sa FIBA World Cup na mangyayari sa Agosto sa susunod na taon. Pagkatapos ay ang pagbisita ni PBA commissioner Willie Marcial upang makipag-ugnayan sa muling paggamit ng Philippine Sports Arena sa Pasig sa mga regular na PBA games.

Dagdag pa rito ay ang pagkapanalo ng pamangkin ni Chairman Eala na si Alex Eala sa pag-ukit ng kasaysayan ng Philippine sports bilang kauna-unahang Filipino tennis player na nag kampeon sa juniors singles US Open Grand Slam event. Lumabas pa nga sa twitter account ni Chairman na masayang masaya siya sa pagkapanalo ng kanyang pamangkin. “What a way to start my chairmanship of the PSC.

My own niece giving the country a huge win. Amazing!”, ang kanyang pinost sa social media.

Kahapon naman, habang nasa pagdinig sa Senado si Chairman Eala, muling nagtagumpay ang ating kababayan na si pole vault sensation EJ Obiena ng gintong medalya sa 2022 Golden Fly Series Liechtenstein sa Europa.

Doon naman sa pagdinig sa Senado, mainit ang pagtanggap kay Chairman Eala ng mga senador. Ayon kay Sen. Bong Go na chairman committee on sports, ang Senado ay nagbibigay ng buong pagsuporta ng PSC at sa kanilang budget sa susunod na taon.

Dagdag pa ni Sen. Go na “investing in sports not only enable us to develop world-class athletes, but it also helps us in keeping our youth away from illegal drugs and other harmful vices.” Binigyan diin din ni Go na ang isports ay isang pamamaraan upang magkaisa ang mga Pilipino at suportahan ang dangal ng ating bansa.

Kasama sa pagbibigay ng suporta sa pamumuno ni Chairman Eala ay sina vice chair Alan Cayetano, Senate Majority Leader Joel Villanueva, ang mga senador na sila Mark Villar, Sonny Angara, Pia Cayetano, Francis Tolentino at Bato dela Rosa.

Bilang pagtanaw ng pasasalamat sa Senado sinabi ni Eala na,“I am heartened that this committee has provided so much support to Philippine sports, not only in legislative initiatives but also in terms of financial assistance”.

“I’m seeking to ensure sustainability and the success of our programs for the long term. It is our mission to carry out the mandates given to us by law to develop and promote sports in the grassroots as a tool towards nation-building and unity, and to ensure full and enhanced support for our (elite) athletes in their continued quest to bring honor and glory to our country,”. Ito ang paniguro ni Eala sa mga senador.

Magandang panimula ito sa PSC lalo na at maganda at malawak ang karanasan ni Eala sa larangan ng palakasan. Naniniwala ako na malayo ang mararating ng PSC sa ilalim ni Eala upang maging tanyag muli ang ating bansa sa pagwawagi ng mga medalya at karangalan tulad ng noong panahon ng Gintong Alay.