Natuwa ako nang matanggap ko ang bill ko ngayong buwan dahil bumaba pala ang singil ng koryente. Nagbunga ang pagtitipid ko, lalo na’t medyo malamig naman ngayon ang panahon kaya talagang good news din na sumabay pa ang anunsyo ng Meralco na may bawas-singil pala.
Nasa P36 kada kilowatt-hour ang bawas sa bill, kaya para sa akin na nasa 600 kWh buwanang ang konsumo malaking bagay ang mahigit P200 na bawas sa bill ko.
Napa-aray naman kasi ako sa balitang nagtaas na naman ang presyo ng produktong petrolyo. At hindi lang basta-basta ha, aba mahigit P2 kada litro para sa diesel at gasoline kaya siguro pipiliin ko na lang magtigil sa bahay, kaysa maipit sa trapik at magpagasolina.
Sa mahal ng bilihin ngayon, kailangan kontrolin talaga ang konsumo. Kaya kahit bumaba pa ang koryente, salamat sa Meralco, tuloy pa rin ang paghahanap ko ng paraan para mapababa pa ang buwanang konsumo ko.
Pero sa totoo lang, maganda talaga itong ginagawa ng Meralco na kampanya para sa matalino at masinop na paggamit ng koryente. Hindi ito basta-basta pinapansin ng mga customer kagaya ko, pero hindi na bale na parang sirang plaka ang spokesperson ng Meralco na si Joe Zaldarriaga, basta ang mahalaga hindi siya tumitigil sa panawagan para rito.
Meron at meron namang tatablan niyan, lalo na kung paulit-ulit. Nakakabilib nga na kahit napakaraming batikos sa Meralco, hindi pa rin natitinag ang kompanya at tuloy pa rin sa panawagang magtipid at regular na pag aanunsyo ng buwanang pagbabago sa rate.
Balita ko nga ginaya na rin yan ng ilang distribyutor ng koryente sa ibang bahagi ng bansa. Paano ba naman, kapag rates ang usapan, laging Meralco ang nasa sentro. Pero lingid sa kaalaman ng ilan nating kababayan dito sa Metro Manila at mga karatig-probinsya, hindi lang naman Meralco ang distribyutor ng koryente sa buong bansa.
May mga pribadong utilities din at electric cooperatives pa at ngayon, dahil nagbaba ng singil ang Meralco, marami sa mga consumer nakaasa na pati sa kanila bumaba rin. Sana naman!
Bukod sa presyo ng koryente, para sa ating mga konsyumer, importante ang maayos na serbisyo ng koryente. Damang dama ko yan noong nagbakasyon ako sa Batangas. Nagpunta ako para magpahinga pagkatapos ng sobrang nakakapagod na linggo, pero na-stress din ako nang bahagya dahil biglang nawalan ng koryente. Naalala kong wala ako sa Metro Manila at hindi Meralco ang nagseserbisyo rito.
Napaisip tuloy ako na talagang ang problema sa serbisyo sa koryente, mas malala sa mga ibang lugar dahil hindi naman lagi na pagtuunan ng pansin. Pero paano naman yung mga negosyo sa probinsya na kailangan ng maayos na serbisyo ng koryente? Kailangan pa nila siguro ng generator sets para lang masigurong tuluy-tuloy ang kita.
Ang dami pa namang magandang resort sa mga probinsya sa Pilipinas, at sigurado ako, mas dadami ang turista at bisita, at mas lalago ang ekonomiya kung may maayos na serbisyo ng koryente.
Siguro kailangan lang nating lahat alalahanin na marami pa talagang problemang kailangang solusyunan at mga serbisyong kailangan ayusin para mas makinabang pa ang mas maraming Pilipino.
Sana, kagaya ng Meralco, maraming mga programang maipatupad sa mga probinsya para lahat ng Pilipino makinabang sa maayos at maaasahang serbisyo ng koryente, at siyempre dapat gawan rin ng paraan para bumaba ang singil hindi lamang sa Metro Manila kundi sa buong Pilipinas