MAGANDANG SIMULA NG 2019 HATID NG MERALCO

Magkape Muna Tayo Ulit

OOOPS… May magandang pahabol na regalo ang Meralco. Matapos kasi ng lahat ng gastusan nitong Kapaskuhan, nag-anunsiyo sila ng bawas-singil para sa buwan ng Enero.

Mula sa P10.18 kada kilowatthour noong Dis­yembre 2018, bumaba ito sa P9.84 kada kilowat­­t­hour.  Ang bawas-singil ay may kabuuang halaga na P0.34 kada kilowatt­hour. Ang galing naman ng timing ng Meralco!

Sa paliwanag ng Meralco, ang pagbaba ng presyo ng koryente ngayong buwan ay bunsod ng pagsadsad ng presyo ng generation charge. Bumaba kasi ang ilang charge na nakapaloob sa mga Power Supply Agreement o PSA sa pagitan ng Meralco at ng mga generation company na kinukunan nito ng supply ng koryente.

Upang mas madaling maunawaan, mayroon tayong tinatawag na capacity fee. Ang capacity fee ay isang uri ng charge na nakatakda na taon-taon base sa inaasahang supply ng koryente mula sa mga generation company. Pinagbabasehan ito sa outage allowance na inaprubahan ng Energy Regulatory Commission (ERC).

Ang outage allowance naman ay tumutukoy sa dami ng oras na maaaring magamit ng mga planta ng koryente kapag nangangailangan na ihinto pansamantala ang kanilang operasyon para sa maintenance, emergency, o repair. Kung naging maganda ang operasyon ng planta at may natira sa outage allowance ng mga ito, maaaring bumaba ang capacity fee na kailangang bayaran ng Meralco sa huling buwan ng taon.

Ang epekto nito ay karaniwang nararamdaman sa buwan ng Enero kung kailan nagsasagawa ng reconciliation ang mga planta sa nakonsumo at natipid na power suplay nila. Kaya kung inyong babalikan ang mga nakaraang taon, madalas ay pababa ang direksiyon ng presyo ng koryente kapag buwan ng Enero.

Dahil nga nagkaroon ng pagbaba sa presyo ng koryente sa buwan ng Enero dulot ng reconciliation ng bayarin ng Me­ralco sa mga supplier nito, ibig sabihin ay magiging normal na ang presyo ng koryente sa pagpasok ng Pebrero. Panibagong cycle na kasi ng kontrata o PSA.

Kaya namnamin muna natin ang mas mababang presyo ng kor­yente. Ngunit huwag nating kalimutan na paghandaan ang pagbalik ng normal na presyo ng koryente sa buwan ng Pebrero. Ugaliin pa rin natin ang matalino at masinop na paggamit ng koryente upang hindi masyadong magulat sa buwan ng Pebrero kung saan inaasahang babalik sa normal ang presyo ng koryente.

Tumaas man o bu­maba ang presyo ng kor­yente, nasa ating mga konsyumer pa rin ang kapangyarihan upang kontrolin ang ating paggastos. Kung alam na na­ting tataas ang presyo ng koryente, alalay na tayo sa konsumo.

Maaaring makita sa website ng Meralco ang samu’t saring mga tips ukol sa matalino at masinop na paggamit ng koryente. Kung kulang pa, maaari ring mag-search gamit ang google. Basta maging responsable ta­yong mga konsyumer para hindi ma-stress tuwing malapit na ang bayaran ng ating Meralco bill!