ISABELA- KAHIT hindi pa naabot ng Magat Dam sa lalawigang ito ang spilling level nito ay nagpasya ang pamunuan ng National Irrigation Administration na magpakawala ng nakaimbak na tubig bilang paghahanda sa pananalasa ng Bagyong Paeng sa bahagi ng hilagang Luzon.
Sa ulat ni NIA Administrator Benny Antiporda sa pulong balitaan sa National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC) sa Camp Aguinaldo kahapon ng umaga, binuksan na ang isang radial gate ng Magat Dam para magpakawala ng tubig.
Aniya , bilang paghahanda sa posibleng epekto ng Bagyong Paeng ay isang gate na may opening na isang metro ang binuksan sa Magat Dam.
Ayon kay Engr. Gileu Michael Dimoloy, department manager ng NIA-MARIIS, nasa 186 cubic meter per second o katumbas ng 930 drums ng tubig ang inisyal na pinakawalan kahapon.
Mas mababa ito sa naunang abiso noong Biyernes na 200 cms na tubig ang papakawalan.
“Initial release ito, pre-emptive. So, mino monitor pa natin kung gaano ‘yung intensity ng tubig sa watershed natin. Kung lalakas yung mga pag-ulan, talagang magdadagdag tayo,” ani Dimoloy.
Samantala, nanawagan naman si Antiporda sa mga residenteng naninirahan sa mga bayan na malapit sa mga dam na maging alerto sa mga babala kaugnay sa posibleng pagpapakawala pa ng tubig mula sa iba pang dam bukod sa Magat sanhi ng patuloy na pananalasa ng bagyong paeng.
“Matindi ang inflow natin from upstream kasi malalakas na ang ulan kahapon. May mga pag-ulan pa, kaya we expect more inflow coming in to our reservoir,” ani Engr. Carlo Ablan na general manager ng Dam and Reservoir Division.
Posibleng madagdagan ang pinakakawalang tubig depende sa lakas ng ulan at dami ng tubig na bababa sa reservoir ng dam mula sa watershed areas nito.
Nagkaroon na rin ng bahagyang pagtaas ang lebel ng tubig sa reservoir ng dam. Sa huling datos, nasa 187.04 meters above sea level ang lebel ng tubig sa reservoir kumpara sa mahigit 186 meters above sea level sa nakalipas na mga araw.
Gayunpaman, wala pa naman inaasahang agaran at matinding epekto ang pinakakawalang tubig sa Magat River. VERLIN RUIZ