ISABELA – SIMULA pa lang noong Biyernes, nagpapakawala na ang National Irrigation Administration (NIA) ng tubig sa Magat Dam sa Ramon dahil sa pagpasok ng malaking volume ng tubig bunga ng tuloy-tuloy na pag-ulan sa mga watershed area.
Sa natanggap na abiso mula sa NIA Magat River Integrated Irrigation System, mula sa 200 cubic meters per second na unang pinakawalan ay posibleng tumaas pa ito depende sa lakas ng ulan sa mga watershed area pangunahin na sa mga lalawigan ng Ifugao at Nueva Vizcaya.
Ang water elevation ng Magat Dam reservoir ay 189 meters, 4 na metro na lamang para marating ang spilling level na 193 meters.
Pinayuhan ng National Irrigation Administration (NIA) ang mga nakatira malapit sa Magat River na iwasan ang pagtawid o pamamalagi sa tabi ng ilog para maiwasan ang panganib na dulot ng pagtaas ng water level ng ilog.
Pangunahin na ang bayan ng San Mateo, at Cabatuan, Isabela, na unang maaapektuhan ng malakas na bugso ng tubig mula sa nasabing dam, at pinayuhan ang mga magsasaka na iwasan nila at ilayo sa gilid ng Ilog ang kanilang mga alagang hayop tulad ng kalabaw, baka, kambing at iba pa.
Nagpasabi narin ang pamunuan ng NIA sa lalawigan ng Cagayan na mag-ingat din sila dahil sa kanilang lalawigan maiipon ang lahat na pinakawalan na libong cubic meters mula sa nasabing dam. IRENE GONZALES
Comments are closed.