TINUTUTULAN ng mga grupo ng magbababoy sa bansa ang price freeze na inirerekomenda ng Department of Agriculture (DA) bilang solusyon sa tumataas na presyo ng baboy sa bansa.
Ayon kay Pork Producers Federation of the Philippine Vice President for Luzon at AGAP President Nicanor Briones, maituturing na suicide act ang rekomendasyon ng DA sapagkat lalo lamang pinahihina ang loob ang mga magbababoy, maging ang mga magmamanok at magsasaka na muling mag-alaga at magtanim.
“Kapag ito ay ipinatupad, wala nang darating na baboy sa Luzon mula sa Visayas at Mindanao dahil malulugi ang mga traders at matatakot ang mga retailers na magbenta kung hindi susunod sa price ceiling. Kapag sumunod naman ay siguradong lugi sila,” ani Briones.
Aniya, kung mangyayari ito ay makakadagdag itong lalo sa kinakaharap ngayong food crisis ng bansa na sanhi ng kakulangan sa suplay at napakataas na presyo ng karneng baboy at iba pang agricultural products, na lahat aniya ay mga suliraning dulot ng African Swine Fever, sobrang importasyon, smuggling at pinsala ng mga nagdaang bagyo.
Giit ni Briones, dapat tanggapin na may malaking problema sa kakulangan ng pagkain, hindi lamang sa karne ng baboy, maging manok, gulay at iba pa.
Ipinanukala rin niya na isailalim ang Luzon sa state of calamity upang magamit ang emergency fund, dahil higit pa aniya sa 10 bagyo ang tumama sa mga magbababoy na umaabot na sa mahigit P100 bilyon ang lugi.
Mungkahi pa niya, maaaring gamitin ang humigit-kumulang na P20 bilyon na pondo mula sa Agricultural Competitiveness Enhancement Fund (ACEF) upang ayudahan ang mga magbababoy kabilang ang mga backyard at commercial hog raisers, at maging mga magsasaka.
Sinabi ni Briones na ang pondo ay maaaring ipambayad sa indemnification ng baboy na tinamaan ng ASF upang mapigilan ang pagkalat ng sakit at upang mabigyan ng food subsidy na P500 hanggang P1,000 ang mga mahihirap na pamilya buwan-buwan.
Ani pa ni Briones, dapat na solusyunan ang puno’t dulo ng problema at tulungan ang mga lokal na magbababoy at magsasaka na kumita nang kusa silang magpadami ng alaga at magtanim upang magkaroon ng sapat, mura at de-kalidad na pagkain ang bansa.
“Hindi price freeze, hindi importasyon ang solusyon, kundi malasakit sa magsasakang Pilipino,” dagdag pa ni Briones, na nagpahayag rin ng paniniwala na kung hindi magagawa ang lahat ng ito ay maaaring magpatuloy pa ang krisis hanggang sa susunod pang taon. PMRT
Comments are closed.