MAGBAYAD NG TAMANG BUWIS

NGAYONG taxable year ay target ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na makolekta ang kabuuang P2.599 trilyong buwis.

Sinabi ni BIR Commissioner Romeo Lumagui, Jr. na marapat silang magsikap na makolekta ang nasabing halaga dahil ang 80% ng kabuuang budget ng national government ay manggagaling sa koleksiyon sa buwis ng kawanihan.

Ipinaliwanag naman ni BIR Assistant Revenue Commissioner for Large Taxpayers Jethro Sabariaga na sa nabanggit na P2.599 trilyong tax goal, sa kanyang tanggapan iniatang ni Commissioner Lumagui ang halos 50% sa kabuuan ng goal na kokolektahin mula sa hanay ng 1st 5,000 big-time taxpayers sa bansa.

Ngayong taon, ang tema ng BIR ay “Tulong-tulong sa Pagbangon, Kapit Kamay sa Pag-Ahon, Buwis na Wasto, Alay para sa Pilipino!”

Sinabi ni East National Capital Region BIR Regional Director Albin Galanza na layunun ng tax campaign na suportahan ang adbokasiya ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na pagkaisahin ang bawat Pilipino pagdating sa pagbabayad ng tamang buwis para sa muling pag-ahon ng ating ekonomiya at pagaanin ang buhay ng bawat Pilipino.

Ang nasabing adbokasiya ng Presidente ay suportado rin nina Metro Manila Revenue Regional Directors Bobby Mailig (Quezon City), Gerry Dumayas (Caloocan City), Edgar Tolentino (South NCR), Dante Aninag (Makati City) at Renato Molina (Manila).

Ngayong tax campaign season ay ikinalat ng BIR ang mga tax experts sa maraming dako ng bansa – kabilang na sa malls – upang hikayatin ang taxpaying public na maagang mag-file o magbayad ng buwis at huwag nang hintayin pa ang itinakdang tax deadline ngayong Abril upang hindi magahol sa kanilang tax obligations.

Hinikayat ng BIR ang lahat ng taxpayers na tumupad sa obligasyon sa bayan na magbayad ng tamang buwis at huwag mandaya para makaiwas din sa asunto, penalties at iba pang kaparusahang kakaharapin.

Tinagubilinan din ni BIR Deputy Commissiiner for Operations Maridur Rosario ang regional directors at revenue district officers sa buong bansa na mas palakasin pa ang isinasagawang tax drive ng kawanihan upang mas marami pang taxpayers ang makumbinsing magbayad ng buwis at mag-file ng tax returns sa maagang panahon upang makuha ang inaasam nilang tax collection goal ngayong fiscal year.