MAGBAYAW NA TULAK TIKLO SA BUY BUST

Drug pusher

LAGUNA – MAGKASUNOD na naaresto ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at ng Drug Enforcement Unit (DEU) ang magbayaw na tulak ng droga sa buy bust operation sa Brgy. Limao bayan ng Calauan.

Base sa ulat ni PMaj. Mark Julius Rebanal, hepe ng pulisya, kay Laguna PNP Provincial Director PCol. Eleazar Matta, nakilala ang naaresto na si Lynell Christian Garcia, 30-anyos, naninirahan sa nasabing lugar at bayaw nitong si Joey Malipol, 38, ng Brgy. San Felix, Sto. Tomas, Batangas.

Sa talaan, lumilitaw na ikatlong beses ng naaresto dahil sa pagtutulak ng droga ang suspek na si Garcia kung saan nagawa nitong makalaya matapos maglagak ng kaukulang piyansa at sa ilalim ng Plea Bargaining Agreement habang ang kanyang bayaw ay napabilang naman sa newly identified drug suspect sa lugar.

Ayon kay Rebanal, unang naaresto si Garcia dahil sa droga noong Mayo 11, 2015 at nitong Agosto 18, 2017 kung saan muli itong bumalik sa pagtutulak ng droga matapos na makalaya.

Bandang alas-2:20 ng hapon batay sa resulta ng imbestigasyon nang magkasa ng buy bust operation ang mga tauhan ni Rebanal sa bahay ni Garcia habang ang isa sa mga ito ay nagpanggap na buyer.

Nakumpiska sa kanyang pag-iingat ang nasa 23 piraso ng medium plastic sachet ng shabu na umaabot sa mahigit na 100 gramo na may kabuuang street value na P600,000 kabilang ang weighing scale, cellphone, cash na P10,500, at ginamit na buy bust money.

Samantala, kasunod na naaresto ng mga ito si Malipol habang lulan naman sa kanyang minamanehong kulay pula na SUV makalipas ang mahigit na dalawang oras hindi kalayuan sa bahay ng kanyang bayaw na si Garcia.

Nakumpiska naman sa kanyang pag-iingat ang 28 piraso ng medium plastic sachet ng shabu na umaabot sa 110 gramo na may kabuuang street value na P660,000 at cash na P6,200.

Kaugnay nito, umamin sa harap ni Rebanal ang suspek na si Garcia kaugnay ng pagtutulak ng mga ito ng droga kasama ang kanyang bayaw kung saan inaangkat pa aniya ng mga ito ang malaking halaga ng shabu sa lungsod. DICK GARAY

Comments are closed.