(Magbibigay ng dagdag-pondo para sa UHC program) TAX HIKE SA JUNK FOOD, SWEET DRINKS

IKINAGALAK ni House Committee on Health Vice Chairperson at AnaKalusugan party-list Rep. Ray Reyes na katulad niya ay nilalayon din ng Department of Finance (DOF) na taasan ang buwis na ipinapataw sa mga junk food at sweetened beverage para madagdagan ang pondo ng pamahalaan sa pagpapatupad ng Universal Health Care (UHC) program.

“Great minds really think alike. This admin push is also a bill we filed last March 7, 2023 as House Bill No. 7485,”
sabi ni Reyes.

Ayon kay Reyes, sa kanyang HB 7485, isinusulong niyang maitaas ang excise tax sa sweetened beverages upang umiwas na ang marami sa pagbili at pagkonsumo ng matatamis na inumin na hindi mabuti sa katawan at kasabay nito ay madagdagan ang pondo para sa UHC program.

Partikular na ipinapanukala ng AnaKalusugan party-list lawmaker na maamyendahan ang nilalaman ng Section 150-B ng National Internal Revenue Code kung saan mula sa kasalukuyang excise tax na P6.00 per liter per volume sa sweetened beverages na gumagamit ng purely caloric sweeteners at purely non-caloric sweeteners, o mix ng caloric at non-caloric sweeteners, ay gagawin itong P8.00.

Habang itataas naman sa P15.00 mula sa kasalukuyang P12.00 ang buwis sa per liter of volume capacity ng sweetened beverages na gumagamit ng purely high fructose corn syrup o ‘combination with any caloric or non-caloric sweetener.”

Paalala ni Reyes, base sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), mula January hanggang December 2020, ang diabetes ang ranked fourth sa hanay ng mga pangaunahing dahilan ng kamatayan sa bansa dahil na rin sa mataas na pagkonsumo ng processed foods at sugary beverages.

Sa kabila nito, hindi, aniya, nagbabago ang expenditure program para sa UHC kaya naman naniniwala ang kongresista na dapat maghanap ng paraan ang gobyerno para maresolba ito at isa na rito ang pagtaas sa buwis sa mga pagkain at inumin na silang sanhi sa pagkakasakit ng maraming Pilipino.

-ROMER R. BUTUYAN