MAGDALO AT MAGDIWANG

BAGO matapos ang 1896, si Andres Bonifacio, bilang kinikilalang pangkalahatang lider ng rebolusyon, ay inimbita sa lalawigan ng Cavite ng mga rebeldeng lider upang mamagitan sa kanila upang magkaisa. May dalawang Katipunan provincial chapters sa Cavite na naging magkatunggali: ang Magdalo, na pinamumunuan ng pinsan ni Emilio Aguinaldo na si Baldomero Aguinaldo, at ang Magdiwang, na pinamumunuan naman ni Mariano Álvarez, na tiyuhin naman ng asawa ni Bonifacio na si Gregoria de Jesus. Pareho silang mayaman, taliwas kay Bonifacio na karaniwan lamang ang buhay.

Pagkaraan ng ilang tagumpay, nag-isyu si Agui­naldo ng manifesto sa pangalan ng Magdalo ruling council na nagproklama ng probisyunal at rebolusyunaryong pamahalaan – kahit mayroon nang Katipunan government. Sumikat si Aguinaldo dahil sa mga panalo sa rebolusyon ng Cavite. Nagkaroon ng alitan ang Magdalo at Magdiwang hinggil sa otoridad at nasasakupan, at nagkanya-kanya na sa pakikipaglaban. Matapos balewalain ang napakaraming ipinadalang liham sa kanya, napilitan si Bonifacio na magtungo sa Cavite noong December 1896 kasama ang kanyang asawa at mga kapatid na sina Procopio at Ciriaco, at iba pang kasama sa grupo kasama si Emilio Jacinto na kalihim at kanang kamay ni Bonifacio. Tutol si Jacinto sa pagpunta ni Bonifacio sa Cavite.

Nang dumating si Bonifacio sa Cavite, mas lumala pa ang hidwaan. Kahit ang dating adviser ni Aguinaldo na si Apolinario Mabini ay nagsabing hindi na nakikinig sa kanyang mga payo ang mga lider ng Magdalo. Mas pabor si Bonifacio sa Magdiwang, marahil, dahil kaanak niya si Mariano Álvarez, o ang mas mahalaga, kinikilala ng nasabing grupo ang kanyang otoridad. Nang sunduin nina Aguinaldo at Edilberto Evangelista si Bonifacio sa Zapote, nairita sila sa umano’y kayabangan nito. Sabi ni Aguinaldo, astang hari raw si Bonifacio. Minsang iniutos ni Bonifacio na arestuhin ang heneral ng Katipunan sa Laguna na si Vicente Fernandez, dahil hindi nito sinuportahan ang pag-atake nila sa Maynila, ngunit hindi siya isinuko ng mga lider ng Magdalo.

Kinilala ng Noveleta si Bonifacio na pinuno ng Pilipinas na ikinagalit ng mga lider ng Magdalo. Tumutol si Aguinaldo, at sinisi pa ito sa pagkatalo ng Silang. Sumulat ang mga Kastila kay Agulando sa pamamagitan ni Jesuit Superior Pio Pi tungkol sa peace negotiations. Nang malaman ito ni Bonifacio, tinanggihan niya ito at ng Magdiwang council. Nagalit din si Bonifacio dahil si Aguinaldo ang kinikilala ng mga Kastila na lider ng rebelyon. Gayunman, nakipagnegosasyon pa rin si Aguinaldo – na hindi  naman natuloy. Naniniwala si Bonifacio na gustong isurender ni Aguinaldo ang rebolusyon.

Kumalat ang mga tsismis na ninakaw ni Bonifacio ang pondo ng Katipunan funds, ang kanyang kapatid ay kabit ng isang pari, at isa siyang agent provocateur ng mga friars paragumawa ng kaguluhan. May kumalat ding mga lihan na nagsasabing hindi kinikilala ng Cavite si Bonifacio dahil isa siyang Mason, karaniwan lamang na empleyado sa Maynila, walang kinikilalang Diyos, at walang pinag-aralan. Ayon pa rin sa nasabing mga liham, hindi karapat-dapat si Bonifacio na tawaging Supremo dahil Diyos lamang ang nakatataas.

Sa totoo lang, hindi naman ito dapat na naging problema dahil ang kahulugan lamang ng supremo sa Katipunan ay Presidente o Presidente Supremo (Supreme President, Kataas-taasang Pangulo) na siyang katungkulang hinahawakan noon ni Bonifacio kung saan nagrereport ag iba pang mga presidete g mga Katipunan chapters tulad ng Magdalo at Magdiwang. Sa madaling sabi, kung si Mariano Álvarez ang supremo ng Magdiwang, at si Baldomero Aguinaldo ang supremo ng Magdalo si Bonifacio naman ang Supreme President. Pinagbintangan si Bonifacio na nagkakalat ng tsismis tungkol sa trabaho ni Magdalo leader Daniel Tirona. Kinumpronta niya si Tirona, na ang kayabangan ay nakapagpainit sa ulo ni Bonifacio, sanhi kaya muntik na niya itong nabaril

Noong December 31, nag-meeting si Bonifacio at mga lider ng Magdalo at Magdiwang sa Imus, upang madesisyunan kung sino talaga ang lider ng Cavite para matigil na ang awayan. Pinag-usapan din kung magkakaroon ng rebolusyunaryong gobyerno sa suhestyon ng Magdalo. Nagkaroon ng pagtatalo. Nais ng Magdalo na buwagin ang Katipunan kapag nagsimula na ang pag-aaklas. — LEANNE SPHERE

One thought on “MAGDALO AT MAGDIWANG”

  1. Pingback: 2recumbent

Comments are closed.