NAKIPAGSALO kahapon ng tanghalian si Senador Antonio Trillanes IV sa ilang Magdalo officers sa kanyang opisina sa Senado.
Dakong 12:09 ng tanghali sa ipinadalang larawan ng opisina ni Trillanes, makikitang nagsalo-salo ang senador kasama ang kanyang legal counsel na si Atty. Reynaldo Robles at ilang lider ng Magdalo group sa pagkain ng pizza.
Matatandaang naging bahagi si Trillanes ng grupo ng junior military officers na nag-alsa laban kay dating pangulong Gloria Arroyo noong 2003 at 2007.
Una nang nagpiyansa ang senador ng P200,000 para sa pansamantalang kalayaan para sa kasong rebelyon noong 2007 Manila Peninsula siege sa Makati City Court branch 150.
Ito ay makaraang paboran ng naturang korte ang hiling ng Department of Justice na magpalabas ng warrant of arrest at hold departure order laban kay Trillanes.
Magugunitang si Trillanes at ang Magdalo group ay ginawaran ng amnestiya noong taong 2011 ni dating pangulong Noynoy Aquino III. VICKY CERVALES