CAVITE – MULI na naman nasakote ang magdyowang drug trader at bisita nito makaraang makumpiskahan ng P103.5-K halaga ng shabu sa ikinasang buy-bust operation sa Pulido Compound, Brgy. Panapaan IV sa Bacoor City sa lalawigang ito kamakalawa ng hapon.
Kapwa naghihimas ng rehas na bakal sa police detention facility ang mga suspek na madyowang sina Marlon Dela Cruz y Cantoria, 32-anyos, ng nasabing compound; at Angelita Liquigan y Soraliza, 32-anyos, ng Brgy. Niog I, Pogi Street, Bacoor City.
Arestado rin ang isa pang suspek na si Alvin Grafil Popez, 36-anyos, ng Miranda Comp. Brgy. Niog II, Bacoor City na may urine catheter dahil sa sakit sa prostate at sinasabing scorer ng magdyowa.
Nasamsam sa isinagawang buy-bust operation ng pinagsanib na puwersa ng PDEA Cavite Provincial Office at SDEU-Bacoor CPS ang 15 gramo na shabu at mga drug paraphernalia.
Nabatid sa police report na ang nasabing lugar ay sinasabing drug-den at tumatayong maintainer ay si Dela Cruz at si Liquigan ang seller ng shabu.
Napag-alamang nasakote na rin ng mga operatiba ang magdyowa kung saan si Liquigan ay apat na buwang buntis kaya nahaharap na naman ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165. MHAR BASCO