PUMALO na sa higit $100 kada barilyes ang presyo ng krudo sa pandaigdigang merkado dahil sa tuloy-tuloy na tensiyon sa pagitan ng Ukraine at ng Russia, dalawa sa mga pinakamalalaking prodyuser ng langis sa buong mundo.
Simula noong unang araw ng taon, ang lokal na presyo ng langis ay tumaas na ng halos P13.25 kada litro sa gas, P17.50 kada litro sa diesel, at P11.40 kada litro sa kerosene. Mula ngayong araw, ika-15 ng Marso, tataas na naman ng halos P13 kada litro ang presyo ng petrolyo.
Ang Pilipinas bilang isang “net importer” o tagabili lamang ng produktong langis, ay katakot-takot ang inaasahang epekto ng patuloy na hidwaan hindi lamang sa lokal na presyo ng petrolyo, kundi pati na rin sa ating ekonomiya.
Para sa ating kaalaman, napakalaking factor ng inflation rate ng ating bansa ang langis sapagkat ang bawat paggalaw ng presyo nito ay siya ring nakaaapekto sa presyo ng bawat bilihin.
Pasalamat na lamang tayo dahil lalo pang niluwagan ng pamahalaan ang quarantine restriction sa buong bansa kaya naman mas marami nang mga negosyo ang pinapayagang magbukas at mas marami nang indibidwal ang nakababalik sa kani-kanilang mga trabaho.
Kaya lamang, ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin bunsod ng pagtaas ng presyo ng langis ay isa na namang pahirap sa ating buhay lalo na sa mga mamamayan na umaasa lamang sa kakarampot na kinikita upang mabuhay katulad ng mga drayber ng pampublikong mga sasakyan na silang higit na apektado nito.
Sa kabila nito, kaliwa’t kanan pa rin ang mga babala sa mga pahayagan na magpapatuloy pa rin ang pagtataas hangga’t hindi nalulutas ang hidwaan sa pagitan ng Ukraine at ng Russia.
Upang proteksiyunan ang mga konsyumer at mananakay sa pagtaas ng presyo ng bilihin, sinimulan na ng pamahalaan ngayong araw ang pamimigay ng P6,500 na ayuda para sa mga drayber ng pampublikong sasakyan.
Dagdag pa, matatandaang ipinag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte noong unang linggo ng Marso ang plano mula pa noong 2019 na muling suriin at amyendahan ang Oil Deregulation Law o Republic Act 8479 upang maisaayos at mapaganda ang kompetisyon sa lokal na merkado na siyang inaasahang tutulong sa pagpapababa ng presyo ng petrolyo.
Ilan ding mga non-profit organizations, kongresista, at mga ekonomista ang nag-himok at patuloy na humihimok na suspindehin ang excise tax na ipinataw ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion Law o Train Law sa mga produktong petrolyo upang maibsan ang pasanin ng mga konsyumer. Bagama’t pinag-aaralan umano ito ng pamahalaan, tila may mga reserbasyon sila sa panukalang ito dahil sa bilyon-bilyong mawawalang kita ng bansa na maaari sanang gamiting pondo sa laban kontra COVID-19.
Batid nating kailangan ng ating pamahalaan na gumawa at maghanap ng iba pang pamamaraan upang tayo ay maprotektahan sa epekto nito. Ngunit sa kabila ng lahat, tayo bilang mga konsyumer at mamamayan, ay mayroon ding kakayahan upang mapababa ang epekto ng taas-presyo ng petrolyo at mga bilihin sa ating buhay. Kasama na rito ang pagtitipid sa paggamit ng gas at pag-iwas sa mga biyaheng hindi naman mahalaga.