(Maghapon nakatayo bilang kahera) SAKRIPISYO NG INA PARA SA KANYANG MAG-AMA

HINDI iniinda ng isang ina ang hirap, pagod at sakit ng kanyang paa sa pagtayo mag­hapon bilang isang kahera ng isang grocery store, mabuhay lamang niya ang kanyang mag-ama.

Ito ang kuwento ni Katherine Valencia , 28-anyos, may asawa at anak na apat na taong gulang.

Ayon kay Katherine, ang kasalukuyang grocery store ay pangatlong store na kanyang pinapasukan dahil ang  dalawang nauna ay end of contract.

Sa ngayon, anim na buwan pa lamang si Ka­therine na namamasukan sa kasalukuyang grocery store.

Ngunit masaya naman siya sa kanyang pinapasukan dahil sa kumpleto rin naman ang kanilang benepisyo yun nga lamang ay minimum ang kanyang sahod.

Kabilang sa mga benepisyong tinutukoy ni Katherine ay ang Social Security System (SSS), Pag-ibig at Philhealth.

Aminado si Kathe­rine na madalas kapos ang kanyang suweldo lalo na’t hindi lamang mahirap ang buhay kundi ang patuloy ang pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin.

Aniya, sobrang tipid na ang kanyang ginagawa matiyak lamang na magkasya ang kanyang kita sa trabaho sa pangangaila­ngan nila ng kanyang anak at asawa.

Hindi naitago ni Ka­therine na aminin na walang trabaho ang kanyang asawa kaya’t nagsusumikap siyang hindi mabakante at mawalan ng hanapbuhay.

Iginiit ni Katherine na ang nagiging inspirasyon  din niya sa buhay ay ang kanyang mag-anak na la­ging naghihintay sa kanyang pag-uwi.

Nawawala rin ang pagod ni Katherine sa tuwing sasalubungin siya ng ngiti, yakap at halik ng kanyang mag-ama.

Inamin din ni Kathe­rine na kung minsan sa tuwing sila ay kinakapos ay manghiram ng pera sa kanilang kakilala at kamag-anak na normal sa buhay ng isang tao.

Pagbabahagi ni Ka­therine hindi madali ang nakatayo maghapon dahil lubhang nakakangalay at masakit sa paa lalo na’t may takong pa ang suot niyang sapatos.

Paglilinaw pa ni Ka­therine, mahirap din ang kanilang sitwasyon dahil ‘no work, no pay’ at pag-absent ay wala ring suweldo maliban na lamang kung gagamitin ang mga vacation leave (VL)  na itinatadhana ng Saligang Batas.

Binigyang-diin pa ni Katherine na hindi rin naman maaaring tuloy-tuloy ang pasok at hindi mag-day off dahil baka naman ang kanyang kalusugan ang maisakripisyo na mas lalong lubhang mahirap.

Kuwento pa nito, nadaragdagan lamang ng konti ang kanilang sahod kung mayroong special holidays at holidays dahil may dagdag na bayad ngunit hindi naman palagi ito.

Sa kanyang anim na buwan sa kasalukuyang pinapasukang grocery ay mayroon na rin siyang mga customer na nakakagaan ng loob at iiwan na sa kanya ang pagkuwenta ng kanilang pinamili at habang ipinagpapatuloy ang pagkuha ng bibilhin.

Laking pasasalamat naman ni Katherine sa Panginoon dahil hindi siya nawalan ng trabaho kahit dumanas ng pandemyang dulot ng COVID-19.

At pasalamat siya na sa grocery siya nagtatrabaho dahil hindi nito kailangang magsara sapagkat dito nabibili ang mga pangunahing pangangailangan ng bawat mamamayan. CRISPIN RIZAL