NAPAKAINIT pa rin ng panahon ngayon. At siyempre dahil bakasyon pa ang mga kabataan, kaliwa’t kanan pa rin ang gala. Kasama sa gala ay ang food trip.
Marami ring pista ngayong summer season. Kaya marami na namang darayo sa kainan, pero paalaala sa mga kababayan natin, hinay-hinay po sa pagkain ng marami at matatabang pagkain gaya ng lechon, alimango, at iba pa para maiwasan ang high blood pressure o altapresyon.
Nais ko ring ipaalam sa aming mga giliw na mambabasa na tuwing buwan ng Mayo kada taon ay ating ginugunita ang “Hypertension Awareness Month” o Buwan ng Kamalayan tungkol sa Altapresyon sa pamamagitan ng Proclamation No. 1761, series of 2009 na naglalayong maiwasan at makontrol ang hypertension pati na ang iba pang kumplikasyon sa puso.
Ang hypertension o altapresyon ay isa sa pinakamalaking sanhi ng heart disease at stroke dito sa Pilipinas kung kaya patuloy pa rin itong nangungunang sakit at tinatawag na “silent killer”. Bagama’t wala itong ipinakikitang sintomas ay bigla na lamang kumikitil ng buhay ng tao nang wala man lang warning.
Hango sa isang survey, umabot na sa mahigit 12 milyong Pilipinong may edad ang mayroon nang hypertension at mahigit sa kalahati dito ay hindi alam na sila ay mayroon nang ganitong kondisyon. Pati ang mga bata ay malaki ang tsansa na magkaroon ng hypertension lalo sa lifestyle na nakasanayan at kung ang miyembro ng pamilya ay mayroon ding sakit na hypertension.
Ayon sa Department of Health, higit kumulang 200,000 na sanhi ng pagkamatay taon-taon ay maaaring dulot ng altapresyon, direkta man o hindi direktang tinutukoy.
Ang normal na blood pressure ay 120/80. Ito ay sinusukat at isinasaad sa dalawang numero: Ang Systolic (120) at ang Diastolic (over 80) na presyon. Ang systolic na presyon ay ang pinakamataas na presyon sa ugat habang nagbobomba ng dugo ang puso. Ang diastolic na presyon ay ang pinakamababang presyon sa ugat habang ang puso ay nagpapahinga.
Ano-ano ba ang sintomas ng altapresyon? Nagkakaroon ng pagsakit ng ulo sa bandang batok; pagkahilo; mabilis na tibok ng puso na halos kumakabog ang dibdib; at paninikip o pagkirot ng dibdib.
Ano-ano naman ang pinsalang maaaring idulot ng high blood pressure? Kapag napabayaan ang pagtaas ng presyon ng dugo ay maaaring lumabas ang iba’t ibang kumplikasyon sa katawan, tulad ng stroke, heart attack, diabetes, pagkasira ng kidney o kaya naman ay paglabo ng paningin.
Benepisyo mula sa PhilHealth. Pinakamadalas na naitalang kaso ng altapresyon ay ang Primary o Essential Hypertension kasunod ang Hypertension Stage II o Secondary Hypertension. Ang mga ito ay kabilang sa Top 10 Medical Case Rate kung saan sagot ng PhilHealth ang Essential Hypertension/ Malignant Hypertension gayundin ang Hypertension Stage II na may parehong case rate sa halagang P9,000.
Sa talaan ng PhilHealth mula Enero hanggang Disyembre ng 2017, umabot sa kabuuang halaga na P969,992,224 ang binayarang claims sa Essential Hypertension o katumbas na 112,194 sa kabuuang bilang ng binayarang claims ng PhilHealth.
Samantala, ang Hypertension Stage II naman ay may kabuuang halaga na P951,592,313 na bayad sa claims nito o katumbas na 110,886 sa kabuuang bilang ng binayarang claims ng PhilHealth.
Mga pamamaraan upang iwas sa hypertension o altapresyon. Matuto tayong baguhin ang nakaugalian at tamang sundin ang healthy lifestyle tulad ng pagkain ng masusustansiyang pagkain tulad ng gulay at prutas; pag-eehersisyo; iwasan ang sobrang pagpupuyat; iwasan ang paninigarilyo; at iwasan ang sobrang pag-inom ng alak.
oOo
Kung kayo ay may anumang katanungan sa PhilHealth o sa paksang nailathala sa aking kolum, tumawag lamang sa aming 24/7 Corporate Action Center Hotline sa (02) 441-7442, magpadala ng sulatroniko sa actioncenter@philhealth.gov.ph o mag-post ng komento sa aming Facebook page, www.facebook.com/PhilHealth. Maaari din ninyong bisitahin ang www.philhealth.gov.ph para sa iba pang impormasyon.
Comments are closed.