‘MAGIC 12’ NG GILAS VS LEBANON INILABAS NA

INANUNSIYO ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) ang Final 12 lineup ng Gilas Pilipinas sa bisperas ng laban nito kontra host Lebanon ngayong Aug. 26 (Manila time) sa fourth window ng FIBA World Cup Asian Qualifiers sa Nouhad Naufal Sports Complex sa Beirut.

Ang national team ay pinangungunahan nina NBA star Jordan Clarkson ng Utah Jazz at 7-foot-3 Kai Sotto. Makakasama nila sina Japeth Aguilar, Chris Newsome, Scottie Thompson, Thirdy Ravena, Kiefer Ravena, Bobby Ray Parks, Dwight Ramos, Carl Tamayo, Jamie Malonzo at Calvin Oftana.

Nasibak si Roosevelt Adams, kasama sa initial 13-man lineup na umalis sa Manila at dumating sa Lebanon noong Martes, Aug. 23, sa official lineup ngunit patuloy na nagsasanay sa koponan.

“Our GILAS PILIPINAS Men’s National Basketball Team is raring to go all out for flag and country,” sabi ni SBP Executive Director at spokesman Sonny Barrios.

“Each one, to the last man, is fully committed to give his very best, inspired by the support and prayers of his countrymen. Let us continue to wish them well and cheer them on as they play for all of us away from home. LABAN PILIPINAS! PUSO!”

Mula sa kasalukuyang 2-2 record sa Asian Qualifiers, target ng Gilas PH, sa ilalim ni coach Chot Reyes, na makakuha ng momentum bago ang laro kontra Saudi Arabia (3-3) sa Aug. 29 sa SM Mall of Asia Arena sa Pasay City, at maiganti ang 95-80 loss pagkatalo sa Lebanese (5-1) sa FIBA Asia Cup sa Jakarta noong nakaraang July.

Sa pangunguna ni star guard Wael Arakji, ang Lebanon ay umusad sa finals, ngunit naungusan ng Australia, 75-73, sa championship game.

Nagbuhos si Arakji ng 20 points para sa Lebanon laban sa Gilas Pilipinas sa Asia Cup at magiging pangunahing defensive concern ng mga Pinoy, kasama sina sweet-shooting big men Hark Gyokchyan at Jonathan Arledge, na nagdagdag ng tig-19 points at nagtala ng pinagsamang 14 rebounds.

Ang pagdating ni Sotto, naglalaro para sa Adelaide 36ers sa NBL Australia, ay inaasahang magbibigay sa Gilas ng shot-blocking presence na dating wala sa koponan.

“Kai has been very, very impressive,” sabi ni Cone sa Gilas team practice sa Meralco gym bago ang kanilang pag-alis patungong Beirut.

“Maybe in the NBA level, it’s a different thing. But at this level, he’s a real deal. Having Kai protecting the rim for us, it’s making a big, big difference.”

Babalik ang Gilas sa Manila sa Aug. 27.