MAGIC ‘DI UMUBRA SA BUCKS

TUMIRADA si Giannis Antetokounmpo ng 32 points at season-high 20 rebounds, nagdagdag si Bobby Portis ng season-high 24 points sa tulong ng anim na  3-pointers, at ginapi ng host Milwaukee Bucks ang Orlando Magic, 117-108, nitong Sabado.

Nagtala si Antetokounmpo ng 15-for-23 sa free-throw line, habang kumalawit si Portis ng  15 rebounds para sa kanyang ika-4 na double-double sa season. Nanalo ang Bucks ng tatlong sunod sa unang pagkakataon ngayong season.

Kumana ang Orlando ng 30-8 fourth-quarter run, at dumikit sa 107-101 sa steal at layup ni R.J. Hampton, may 2:05sa orasan. Subalit isang dunk ni  Antetokounmpo, may isang minuto ang nalalabi, ang nagbigay sa Bucks ng kaluwagan sa 111-101.

Na-outscore ng Magic ang Milwaukee, 37-21, sa fourth quarter sa likod ng play ng kanilang reserves, kung saan naitala ni Hampton ang 13 sa kanyang 19 points. Tumapos din siya na may 9assists.

JAZZ 123,

KINGS 105

Nag-ambag sina Mike Conley at  Rudy Gay ng 3-pointers sa 12-0 spurt sa kaagahan ng fourth quarter nang payukuin ng bisitang Utah Jazz ang Sacramento Kings, 123-105.

Nagbuhos si Donovan Mitchell ng game-high 26 points, nagdagdag si Rudy Gobert ng 21 at 14 rebounds, tumipa si Conley ng 17 points at umiskor si Jordan Clarkson ng 16 sa isang balanced attack ng Utah na nagbigay sa koponan ng ikatlong sunod na panalo, ang kanilang ikatlo kontra Kings ngayong season at ang ikalawa sa Sacramento.

Kumamada si Richaun Holmes ng team-high 22 points, gumawa sina Harrison Barnes ng 18, Tyrese Haliburton ng 17 at Buddy Hield ng 16 para sa Kings, na nalasap ang ikatlong sunod na pagkatalo. Ang Sacramento ay tinalo sa home ng Toronto Raptors, 108-89, noong Biyernes ng gabi.

BLAZERS 118,

76ERS 111

Tumabo si Damian Lillard ng season-high 39 points at tumapos si C.J. McCollum ng 18 upang pangunahan ang Portland Trail Blazers sa ikatlong sunod na panalo sa pagdispatsa sa bisitang Philadelphia 76ers.

Umiskor si Norman Powell ng 17 points, nag-ambag si Jusuf Nurkic ng 11 points at 11 rebounds, at kumabig si Nassir Little ng 11 points para sa Blazers, na bumuslo ng 50 percent mula sa field at naitala ang ika-8 sunod na panalo sa home.

Nakakolekta si Tobias Harris ng 28 points at 8  rebounds habang nagposte si Tyrese Maxey ng 28 points at 9  assists para saPhiladelphia. Tumipa sina Georges Niang ng 15 points at  Seth Curry ng 10.

Sa iba pang laro, dinurog ng Minnesota Timberwolves ang Memphis Grizzlies, 138-95; ginapi ng Atlanta Hawks ang Charlotte Hornets, 115-105; namayani ang Boston Celtics sa Oklahoma City Thunder, 111-105; at nadominahan ng Indiana Pacers ang New Orleans Pelicans, 111-94.