MAGIC HINDI UMUBRA SA HEAT

Jimmy Butler

NAGBUHOS si Jimmy Butler ng 29 points upang pangunahan ang Miami Heat sa 110-105 panalo kontra bisitang Orlando Magic nitong Biyernes.

Dikit ang laro kung saan walang koponan ang lumamang ng mahigit 10 points, bumanat ang Miami ng 11-2 run sa kaagahan ng fourth quarter upang kunin ang kalamangan sa huling 8:52 — ngunit hindi humigit sa anim na puntos.

Hindi nakaiskor si Butler sa final period bago ang kanyang ­krusyal

na bucket, nakakuha ng foul kay Wendell Carter Jr. upang ipasok ang three-point play na nagtulak sa one-point lead ng Heat sa dalawang possessions. Umiskor si Butler ng 6 points sa huling 1:29 at sinelyuhan ang panalo sa steal sa final inbounds pass ng Orlando, ang kanyang ikalawa sa gabi.

Tumapos din si Butler na may 6 rebounds at 6 assists. Nagdagdag si Bam Adebayo ng 20 points, game-high 7 assists at 6 rebounds.

Umiskor si Max Strus ng 17 points mula sa bench. Nagdagdag si Gabe Vincent ng 11 points sa reserve duty. Kumubra si Caleb Martin ng 13 points at kumalawit ng team-high 7 rebounds upang tulungan ang Miami na kunin ang ikatlong sunod na panalo at ika-4 sa huling limang laro.

Pawang nagposte sina Paolo Banchero, Franz Wagner at Cole Anthony ng 19 points sa mahirap na offensive night para sa Magic, na bumuslo lamang ng 33-of-69 mula sa floor at gumawa ng 20 turnovers.

Warriors 129, Raptors 117

Tumirada si Stephen Curry ng game-high 35 points at nagbigay ng 11 assists nang pataubin ng Golden State Warriors ang bisitang Toronto Raptors.

Nag-ambag si Klay Thompson ng 29 points at napantayan ni Donte DiVincenzo ang 11 assists ni Curry, upang tulungan ang Warriors na makopo ang ikalawang sunod na panalo at makumpleto ang three-game homestand.

Kumabig si Fred VanVleet ng 28 points, gumawa si Scottie Barnes ng 24 at nagdagdag si Pascal Siakam ng 21 para sa Raptors, na nawala si OG Anunoby dahil sa left-wrist injury sa second quarter.

Bumuslo si Curry ng 13-for-21 at 4-for-8 sa 3-pointers para sa Warriors, na nakumpleto ang season-series sweep laban sa koponan na bumigo sa kanila sa three-peat noong 2019.

Kumana si Thompson ng game-high six 3-pointers na bumubuo sa karamihan sa kanyang 29 points, upang pangunahan ang Golden State na nagtala ng 18-for-43 (41.9 percent) mula sa arc.

Kumalawit din si Thompson ng 8 rebounds, napantayan si Kevon Looney para sa team-high honors.

Nagdagdag si Jonathan Kuminga ng 15 points, umiskor sina DiVincenzo at Looney ng tig-12 at tumipa si JaMychal Green ng 10 para sa Warriors, na naglaro na wala si Andrew Wiggins dahil sa karamdaman.

Nanguna sina Gary Trent Jr. at Precious Achiuwa na may tig-17 points para sa Raptors, na naputol ang two-game winning streak sa kabila ng pagbuslo ng 45.5 percent.