‘MAGIC PILL’ VS COVID-19 PINABULAANAN NG DOH

Dexamethasone.jpg

NILINAW  kahapon ng Department of Health (DOH) na ang ‘Dexamethasone’ ay hindi isang ‘magic pill’ kontra sa Coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Ang paglilinaw ay ginawa ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire kasunod ng ulat na ilang British researchers ang nakadiskubre na nakatutulong ang ‘Dexamethasone’ para mabawasan ng hanggang 1/3 ang mga insidente ng pagkamatay na may kinalaman sa virus.

Nabatid na ang ‘Dexamethasone’ ay isang mura at widely available na steroid.

Gayunman, nagbabala si Vergeire sa publiko na ang gamot ay hindi lunas sa COVID-19 at hindi rin nakatutulong para hindi mahawa ng virus ang isang indibiduwal.

“People might think that this is the ‘magic pill’ para sa COVID-19. It is not. Hindi ito gamot na pag-ininom, mawawala ang COVID-19 o ‘pag ininom mo ito, hindi ka magkaka-COVID,” ayon kay Vergeire sa isang online media forum.

Ipinaliwanag ng health official na ang naturang gamot ay ginagamit lamang bilang “supportive treatment” para sa COVID-19 patients, partikular na ang mga malala o kritikal ang kalagayan.

Binigyang-diin din niya na kailangan pa ring rebisahin ang naturang pag-aaral hinggil sa naturang gamot bago tuluyang masabi na katanggap-tanggap ang findings nito.

“Antayin natin ‘yung resulta ng peer review na ito para ‘yung ating eksperto ay mapag-aralan ‘yan at ma­sabi kung talagang puwedeng gawin,” dagdag pa ni Vergeire.

Sa pinakahuling datos ng DOH, umaabot na sa halos 27,000 ang naitatalang kumpirmadong COVID-19 cases sa bansa, halos 7,000 ang gumaling sa karamdaman at mahigit 1,100 naman ang binawian ng buhay. ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.