MULA sa bench ay pinangunahan ni Cole Anthony ang pitong Orlando scorers sa double-figures na may 20 points, at sumandig ang Magic sa dominanteng second half upang maitakas ang 127-120 panalo kontra Minnesota Timberwolves sa isang ejection-filled game nitong Biyernes sa Minneapolis.
Bumanat ang Magic ng 8-0 run sa kaagahan ng third quarter upang umabante ng double digits, na napangalagaan nila sa malaking bahagi ng second half.
Lumobo ang kalamangan sa hanggang 22 points sa fourth quarter matapos ang kaguluhan sa huling bahagi ng third period na nagresulta sa ejection ng limang players. Sina Jalen Suggs at Mo Bamba ay napatalsik dahil sa pakikipag-away kay Minnesota’s Austin Rivers, habang na-eject sina Timberwolves’ Taurean Prince at Jaden McDaniels, kasama si Rivers, dahil sa kanilang pagkakasangkot.
Sina Bamba at Suggs ay bahagi ng balanced scoring night para sa Magic, kung saan isinalpak ni Bamba ang 3 sa 7 mula sa 3-point range tungo sa 11 points at umiskor si Suggs ng 10 points mula sa bench. Napantayan din ni Anthony si Paolo Banchero na may team-leading 8 rebounds at nagbigay ng 6 assists, kapareho ng game high.
Bumuslo si D’Angelo Russell ng 6-for-16 mula sa arc at pinangunahan ang lahat ng scorers na may 29 points. Kumalawit siya ng game-high 10 rebounds at nagdagdag ng 6 assists para sa Minnesota. Naipasok ni Anthony Edwards ang 5-for-15 lamang mula sa floor at natapos ang kanyang streak sa pag-iskor ng hindi bababa sa 23 points.
Pistons 118, Hornets 112
Nagbuhos si Jaden Ivey ng 24 points at 7 assists, at nag-ambag si Saddiq Bey ng 22 points, kabilang ang go-ahead 3-pointer sa huling bahagi ng laro nang pataubin ng host Detroit ang Charlotte.
Nagdagdag si Bojan Bogdanovic ng 21 points, gumawa si Alec Burks ng 16, nakalikom si Jalen Duren ng 13 points at 13 rebounds, at nag-ambag sj Isaiah Stewart ng 8 points, 16 rebounds at 6 assists. Nalusutan ng Detroit ang 23 turnovers, na nagresulta sa 30 Hornets points.
Nanguna sina LaMelo Ball at Terry Rozier para sa Charlotte na may tig- 23 points, subalit bumuslo si Ball ng 7 of 23 mula sa field. Nagdagdag sina Mason Plumlee ng 13 points, at Gordon Hayward ng 12.
Raptors 117, Rockets 111
Nag-init sina Fred VanVleet at Gary Trent Jr. sa kalagitnaan ng dalawang periods at humabol ang Toronto mula sa early double-digit deficit upang gapiin ang host Houston.
Naitala ni VanVleet ang 16 sa kanyang game-high 32 points sa third quarter makaraang umiskor si Trent ng 15 points sa 6-of-6 shooting sa second. Tumapos si Trent na may 29 points.
Nagdagdag si Pascal Siakam ng 23 points at 6 rebounds, at kumbra si Chris Boucher ng 11 points, 8 boards at 3 blocks mula sa bench.
Ang Rockets, na muling naglaro na wala sina starting guards Jalen Green (calf) at Kevin Porter Jr. (foot), ay pinangunahan ni Eric Gordon na may 28 points sa 10-of-15 shooting. Nagposte si Alperen Sengun ng 21 points, tumabo si Kenyon Martin Jr. ng 20 at nagdagdag si Josh Christopher ng season-high 15 points sa 7-of-8 shooting mula sa Houston bench
Ang iba pang resulta: Suns 106, Celtics 94; Hawks 115, Jazz 108; Pacers 107, Kings 104; Trail Blazers 124, Wizards 116; 76ers 137, Spurs 125.