(Magiging regular gov’t workers, hahawak ng infra funds)DAGDAG NA KAPANGYARIHAN SA BRGY EXECS

BARANGAY

SA LAYUNING maging mas epektibo sa pagganap sa tungkulin para sa ikabubuti ng kani-kanilang nasasakupan, gayundin ang matiyak na naisusulong ng pamahalaan ang kanilang kapakanan, inihain ni House Committee on Women and Gender Equality Chairperson at Bataan 1st. Dist. Rep. Geraldine Roman ang panukalang pagbuo ng “Magna Carta for Barangays”.

Pagbibigay-diin ng House panel chair, hindi dapat balewalain ang mahalagang gawain at iba’t ibang responsibilidad na nakaatang sa mga nahalal na opisyal ng bawat barangay sa bansa.

“Kailangang palakasin natin ang barangay upang maging matatag sila sa kanilang pamumuno at upang epektibong matugunan ang mga pangunahing serbisyo kagaya ng pasilidad sa ligtas at maiinom na tubig, health centers, educational centers at schools, barangay halls, at mayroong nakahandang masasakyan sa lugar upang maitaguyod ang kapakanan ng mga residente sa barangay,” dagdag pa ni Roman.

Sa House Bill No. 228 na iniakda ng Bataan solon, bukod sa pagtukoy sa mga pangunahing serbisyo na dapat ay magkaroon sa mga barangay, iminungkahi rin niya na maituring bilang regular na kawani ng pamahalaan na may kaukulang sahod at iba pang mga benepisyo na dapat tanggapin ang bawat barangay official.

Ayon kay Roman, nakalulungkot isipin na sa kabila ng serbisyo na kanilang ibinibigay, kaakibat ang panganib sa sarili at maging sa kanilang pamilya, sa kasalukuyan ay hindi sapat ang mga benepisyo ng mga barangay official kumpara sa iba pang nanunungkulan sa gobyerno.

“Ang opisyal ng barangay ang mas unang pinupuntahan sakaling mayroong reklamo laban doon sa mga sangkot sa droga bago makarating ang reklamo sa pulisya. Ang barangay ang unang nakatatanggap ng mga report sa krimen naganap o nagaganap,” anang kongresista.

Upang matiyak naman na may sapat na pondo ang bawat barangay para sa pagpapatupad ng iba’t ibang programa at serbisyo nito, nais ni Roman na magkaroon ng “automatic release of share from national taxes” sa mga barangay, at maisalin din sa kaban ng mga ito ang pondo para sa construction and maintenance ng barangay roads, bridges at iba pang infrastructure projects.

Gayundin ang pagkakaroon ng mandatory shares ng barangay sa taxes, fees at iba pang government charges na binayaran ng residente nito at magkaroon din ng patas na bahagi sa kinita mula sa utilization and development ng natural wealth na nakapaloob sa kanilang hurisdiksiyon.

ROMER R. BUTUYAN