UPANG mas maraming Filipino pa ang makinabang sa primary care services sa bansa, nanawagan ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) sa lahat ng Local Government Units at kwalipikadong private health clinics sa buong bansa na magpa-accredit bilang provider ng Konsultasyong Sulit at Tama o PhilHealth Konsulta Package.
Kasama sa PhilHealth Konsulta Package ang targeted health risk screening at assessment, initial at follow-up consultation, mga piling laboratory test, at gamot batay sa rekomendasyon ng doktor kung saan nakarehistro ang miyembro at qualified dependents niya.
Ang mga laboratory at diagnostic procedure na pasok sa pakete ay complete blood count with platelet count, urinalysis, fecalysis, sputum microscopy, fecal occult blood, Pap smear, lipid profile, fasting blood sugar, oral glucose tolerance test, electrocardiogram, creatinine at HbA1c. Samantala, kabilang sa mga gamut na kasama ang anti-microbial, anti-asthma, antipyretics, anti-dyslipidemia, anti-diabetic, at anti-hypertensive, kabilang ang fluids at electrolytes, anti-thrombotic, at anti-histamines.
May nakalaang pondo ang PhilHealth sa bawat pasyenteng nakarehistro sa pangangalaga ng Konsulta package providers na ibabayad batay sa napagkasunduang mga serbisyo na dapat naipagkaloob sa rehistradong miyembro.
Ang aplikasyon para sa Konsulta accreditation ay bukas sa mga non-hospital facility tulad ng mga rural health units, ambulatory surgical clinic at infirmaries. Lahat naman ng outpatient department ng PhilHealth – accredited Level 1, 2 at 3, pampubliko man o pribadong ospital, ay hinihikayat din magpa-accredit.
Maaaring isumite ng mga interesadong provider ang kanilang aplikasyon at self-assessment tools sa malapit na Local Health Insurance Office.
As of September 30, 2022, mayroon nang 1,243 ang accredited PhilHealth Konsulta Providers sa buong bansa.