KARAMAY na natin ang stress sa araw-araw. Isa na nga ang stress sa tila aninong ayaw tayong lubayan. Ngunit sabihin mang nariyan lagi ang stress sa tabi natin at naghihintay lang ng pagkakataong sunggaban tayo, hindi pa rin tamang magpaapekto tayo sa naturang pakiramdam. Kailangan nating lumaban. Kailangan nating i-manage ang stress ng maayos nang mapanatili nating healthy ang ating kabuuan.
Maraming epekto ang stress sa kalusugan at sa buhay natin. Maraming tao na dahil sobrang stress ay nagiging masungit. Wala nang nakikita kundi puro pangit o mali. Tila ba hindi na nila nakikita ang kabutihan ng mundo, kundi puro kasamaan. May mga pagkakataon pang pawang kapintasan ang hinahanap nila sa marami.
Mahirap nga namang kumaharap sa stress kaya’t para maibsan ito at mapangalagaan ang kalusugan, narito ang ilang tips:
MAGING MAINGAT SA PAGKAIN
Unang-una talaga sa dapat nating kahiligan ay ang pagkain ng masustansiya upang mapanatiling malusog ang pangangatawan.
Ngunit kapag nakadarama tayo ng stress, kung ano-anong pagkain ang hinahanap-hanap ng ating panlasa. Pagkaing makapagpapabuti ng ating pakiramdam, ngunit kung minsan ay nakasasama naman sa kalusugan gaya na nga lang ng matatamis, maaalat at matataba.
Maging maingat sa kakainin lalong-lalo na sa mga panahong nakadarama tayo ng stress. Imbes na maaalat, matatamis at matataba ay bakit hindi subukan ang mga pagkaing healthy gaya ng gulay at prutas. O kaya naman, wholegrain bread o lugaw. Ang lugaw at wholegrain bread ay nakapagbibigay ng energy na kakailanganin natin sa mga ganitong pagkakataon.
MALAKI ANG MAITUTULONG NG PAG-EEHERSISYO
Bukod din sa pagkain ng masustansiya, isa pa sa makatutulong upang maging healthy sa kabila ng stressful na pangyayari ay ang pag-eehersisyo.
Oo nga’t marami sa atin ang tamad na tamad na mag-ehersisyo. Kapag kasi stress, mas gusto nating magmukmok o kaya naman ang kumain nang kumain. Pero mas lulungkot lang tayo kapag hindi natin nilabanan ang stress.
Kaya naman, isang mainam gawin ay ang pag-eehersisyo nang gumaan ang pakiramdam.
SIKAPING NAKAPAGPAPAHINGA NG MAAYOS
Sa tuwing napupuyat tayo, mas lalo lang tayong nakadarama ng stress. Kaya naman, bukod sa nakatutulong ang pagpapahinga ng tama upang maging malusog ang ating kabuuan, mainam din ito upang maibsan ang stress na ating nadarama.
Habang stress din tayo ay nahihirapan tayong makatulog ng mahimbing. Pero sa kabila nito, sikapin pa ring magpahinga.
MAKINIG NG MUSIKA
Nakapagpapakalma rin ang pakikinig ng musika sa mga panahong malungkot tayo at nakadarama ng stress.
Kaya kung feeling mo ay pinagsakluban ka ng langit at lupa, makinig ng musika. Maghanap ng mga musikang makapagpapaligaya sa iyo. Mga musikang ngiti ang dulot sa iyong labi’t pisngi.
Gumawa o mag-isip din ng mga bagay na makapagpapakalma bukod sa pakikinig ng musika. Halimbawa na lang ay ang panonood ng paboritong palabas. O kaya naman, ang maglakad-lakad kasama ang mga kaibigan o kapamilya. Puwede rin ang pagsu-zumba o yoga.
MAGING POSITIBO AT HUWAG MAWALAN NG PAG-ASA
Importante rin ang pagiging positibo sa lahat ng pagkakataon sabihin mang kumakaharap ka sa kaliwa’t kanang problema.
Hindi naman maiiwasan ang problema. Lahat din naman tayo ay nakararanas nito. Gayunpaman, gaano man kalaking problema ang kinahaharap mo, maging positibo.
Tandaan din na lahat ng bagay ay nangyayari ng may dahilan. Baka mamaya, inihahanda ka sa mas magandang nangyayari.
Huwag ding kalilimutang bawat lungkot ay may naghihintay na ligaya.
Maraming pagsubok ang maaari nating kaharapin sa mundo. Pero sa kabila nito, huwag tayong mawawalan ng pag-asa. Matuto rin tayong labanan ang bawat problema o pagsubok na dumarating sa ating buhay. (photos mula sa uschamber.com, irishtimes.com at rewireme.com). CT SARIGUMBA
Comments are closed.