MAGING MAPANURI SA JOB INVITES

ABALA ngayon ang Bureau of Im­migration sa pagsusuri sa mga dayuhang nasa bansa kasabay naman ang dagsang pagpapauwi sa mga POGO worker kasunod ng pagsasara ng mga hub nito.

Aminado ang BI na malaking tulong sa kanila ang iba pang law enforcement agencies gaya ng Presidential Anti-Organized Crime Commission, National Bureau of Investigation at iba pang law enforcement agencies para masawata ang illegal alien.

Habang sa paglisan naman ng POGO sa bansa, may mga ulat na posibleng lumipat ito sa mga kalapit bansa gaya sa tinaguriang Golden Triangle o ang Thailand, Myanmar at Lao.

Bagaman positibo para sa lahat ang pagsasara ng POGO na itinuturong naging kuta ng ilegal activities, may mga Pinoy naman  din ang naapektuhan at ang mga iyon ay ang mga nagtatrabaho sa POGO facilities gaya sa security, utilities at sa canteen.

Sa pagsasara ng POGO facilities, pinatiyak ng pamahalaan na mabibigyan ng trabaho ang mga ito.

Habang nanawagan naman ang BI sa mga nais magtrabaho sa ibayong dagat na suriin ang papasukan at baka POGO rin ang nag-iimbita sa kanila.

Paalala ng BI kung ano ang operasyon ng POGO sa Pilipinas, ganoon din ang operasyon sa labas ng bansa, kaya dapat maging mapanuri sa mga inaalok na trabaho upang hindi mabiktima.