MAGING MAPANURI SA PAGKAIN

KAHAPON ay napaulat ang food poisoning sa mahigit 150 opisyal ng Sangguniang Kabataan ng San Carlos City, Pangasinan habang sila ay nasa seminar sa Subic Bay Metropolitan Authority.

Ang pagkalason ay hindi pa matukoy ang dahilan dahil hanggang  tanghali ng August 7 ay sinusuri pa ang food sample, gayundin ang tubig na kanilang ininom.

Bago ang insidente, nanawagan ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources sa publiko na huwag kainin ang isdang galing sa karagatang apektado ng oil spill sa paglubog ng Terra Nova upang maiwasan ang disgrasya.

Tama ang panawagan ng BFAR upang maiwasan ang pagkalason.

Subalit hindi namin sinasabi na may kaugnayan ang insidente sa SBMA sa panawagan ng BFAR.

Ang ipinupunto ay ang pag-ii­ngat, maging maselan sa kakainin upang iwas sa disgrasya.

Sa puntong ito, nanawagan naman ang Department of Health na isailalim sa refresher ang mga doktor.

Dahil aminado ang kagawaran na hindi lahat ng doktor ay mabilis ma-detect ang sanhi ng food poisoning.

Refresher lang naman, na ibig sabihin, balikan ng doktor ang kanilang kaalaman para sa mas mabuti at tumpak na treatment sa pasyente.

May punto ang DOH dahil mandato ng doktor ang magpagaling, dapat mabilis din agad ang  pag-detect ng sakit at aplikasyon ng treatment.

Sa rami ng mga alalahanin dahil sa mga aksidente na ating nababalitaan, unahan na natin ang banta ng kapahamakan, dagdagan ang pag-iingat.