MAGING MASINOP SA BIGAS O KANIN

BIGAS ang maituturing na pangunahing kailangan ng mga Pinoy.

Hangga’t may bigas, nakakatawid tayo.

Sabi nga, may ulam man o wala, basta’t may mainit na kanin sa hapag ay makakaraos na.

Puwede na rin sa ilang pamilya ang asin o kaya’y toyo at suka na ibubudbod sa kanin.

Ganyan kahalaga ang bigas sa buhay natin, lalo na sa mga kapus-palad.

Kulang ang araw o buhay ng mga mahihirap na Pinoy kung walang bigas.

Kaya maraming nangangarap na sana isang araw ay bumagsak nang husto ang presyo nito.

Nakakatuwa rin na may ilang negosyante na nagbababa ng kusa ng halaga ng kanilang mga produkto sa pagpasok ng administrasyong Marcos.

Ang mga kapos sa badyet ay nakakahinga talaga nang maluwag.

Kahit naman sinaklot na ng kontrobersiya ang pinalutang na importasyon ng bigas kamakailan ay waring hindi maalis-alis ng gobyerno ang opsiyong ito.

Maging si Sen. Imee Marcos, utol ni Pangulong Bongbong Marcos, ay aminado na maaaring kailanganin ng Pilipinas na mag-angkat ng rice supply sa susunod na taon.

Kayang-kaya pa raw punan ng mga local producer ang consumer demand sa ngayon.

Wala rin daw dahilan ang Department of Agriculture (DA) para ipilit ang importasyon dahil pababagsakin lang nito ang farm-gate prices ng palay.

Si Pangulong Marcos ang kasalukuyang namamahala sa DA upang mabantayang maigi ang food supply.

Bukod dito, para kay Sen. Marcos, wala ring natitira pang valid sanitary at phytosanitary import clearances (SPS-ICs) para bigyang-katwiran ang pag-aangkat ng bigas ngayong taon.

Sa ngayon, hindi naman ganoon kataas ang presyo ng bigas.

Mukhang gumana ang pakikipag-usap ni Pangulong Marcos sa mga rice trader na panatilihin muna sa kasalukuyang presyo ang bigas sa loob ng ilang buwan. Katunayan, mas nagbaba pa nga ng halaga ang ilang trader.

Nakalulungkot lang isipin na wala nang interes sa pagsasaka ang maraming kabataan.

Mukhang kailangan lang siguro ng mga bagong teknolohiya para rito.

Bantayan ding maigi ang mga puslit na agri products na maaaring makaapekto sa ating mga magsasaka.

Sa palagay ko, dapat itulak ang panukalang magkaroon ng murang fertilizer, insecticides, at iba pa.

Mahalaga rin ang sapat na patubig at iba pang pangangailangan.

Kung ganito ang mararanasan ng ating mga magsasaka, tiyak na darami ang kanilang kita.

Dagdagan din ang farm-to-market roads sa kanayunan para madaling mailuwas ang mga ani ng mga magsasaka.

Tulungan upang maging maalwan sila at kapag nangyari ito ay wala nang dahilan upang hindi maging sagana ang ani nila.

At sa ganang akin, dapat ding magkaroon ng tamang pag-iisip ang pamahalaan kung paano maghihigpit sa mga kainan o restaurant na nag-aaksaya lang daw ng kanin.

Hindi lamang para sa baboy ang kanin dahil bago ito nakarating sa hapag natin ay maraming hirap ang dinaranas ng mga magsasaka.

Maging masinop sana ang lahat sa bigas o kanin para hindi na tayo aangkat pa sa mga dayuhan.