MAGING RESPONSABLE SA PAGGAMIT NG MARKED VEHICLE AT PAGPASOK SA EDSA BUS LANE

PINAALALAHANAN ni Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Benjamin Acorda Jr. ang kanyang mga tauhan sa paggamit ng marked vehicle gayundin sa pagpasok sa Edsa Carousel Bus Lane.

Ayon sa heneral, hindi lang ang uniporme kundi ang kagamitan at gawi ang kumakatawan sa buong organisasyon kaya dapat ay maging responsable at maingat.

Ginawa ni Acorda ang panawagan kasunod ng vehicular accident na kinasangkutan ng kanilang personnel nitong Huwebes.

Batay sa ulat, biglang pumasok sa carousel bus way ang hindi pinangalanang cop driver mula sa PNP Training Service.

Sa pagkabigla naman ng bus driver ay kinabig nito ang minamaneho dahilan para bumangga sa railings ng Metro Rail Transit malapit sa Santolan Station sa Quezon city.

Samantala, sinabi ni Acorda na iniimbestigahan na ang sangkot na pulis habang nilinaw na maaari rin namang gumamit ng bus way kung may emergency at pagresponde.

“Well again, that is being investigated now and I am reiterating sa mga lahat ng mga driver natin especially those in marked vehicle kasi the use of this bus lane ay talagang mga …in case of emergency like in responding to some crime at kailangan talagang gamitin ‘yung sa pinakamabilis na paraan,” ani pa ng heneral.

Binigyang diin ng PNP Chief, ang paggamit ng nasabing bus lane ay para lamang sa mabilis na responde at iba pang uring pagtugon sa serbisyo publiko ng PNP.

“That is only exception aside from that there is no exemption,” ayon kay Acorda.
EUNICE CELARIO