Maging Totoo sa ating mga “OO”

TINIG NG PASTOL2

Isang karanasang pampamilya ang ginamit ni Jesus bilang halimbawa sa Kanyang pagtuturo sa harap ng mga matatanda ng bayan. Ito ang talinghaga ng dalawang anak mula sa Ebanghelyo ni San Mateo (21:28-32). Ang karanasang ito ay hindi na iba sa atin, at marahil araw-araw natin itong nakikita sa ating mga anak o kasama sa bahay. Kahit na simpleng halimbawa ito na maituturing, ipinamalas ni Jesus ang halaga ng pagtugon at paggawa. Pinapaalalahanan tayo ng Ebanghelyo na manindigan sa ating “OO” na mula sa salita ay gawing totoo.

Ano nga ba ang halaga ng talinghagang ito na sa unang tingin ay napakapayak at madali lamang unawain? Tunay ngang gumagamit si Jesus ng ganitong halimbawa upang maunawaan agad ng lahat ang kanyang itinuturo at sa pamamagitan nito ay makakilos ayon sa kanilang natutunan. Pinababatid ni Jesus sa atin ang halaga ng pagsang-ayon. Tayo ay sumasang-ayon sa ating napapakinggan dahil nauunawaan natin ito. Sumasang-ayon tayo dahil naniniwala tayo sa nagsasalita. Sumasang-ayon tayo dahil alam natin ang kahalagahan nito sa ating buhay at maaari ring idagdag para sa ating pagkatao. Ito ang katotohanan ng buhay na dapat nating panindigan sa ating pagsang-ayon, sa ating pagsabi ng “OO.” At dito rin naman tayo nakikilala ng ating kapwa kung saan naipapakita rin nila sa atin ang kanilang pagtitiwala.

May kasabihang “actions speak louder than words,” tumpak nitong nailalarawan sa atin ang dapat na maging pagkilos natin ayon sa talinghagang ito. Madalas tayong nagsasabi ng “OO” subalit nakukulangan tayo sa paninindigan sa ating sinasang-ayunan. Maituturing na hanggang salita lamang, at hindi na naisasakatuparan ng ating mga gawa. Nais ipabatid sa atin ni Jesus na sa pamamagitan nito nadadala natin ang ating sarili sa kapahamakan lalo na kung binabalewala natin ang ating mga natutunan sa Kanyang mga salita at halimbawa. Kaya bilang karagdagan, sa ating mga pagbasa: mula sa Aklat ni Propeta Ezekiel (18:25-28) at mula sa Sulat ni San Pablo sa mga taga-Filipos (2:1-11), pinalalawig nito ang mga pagpapahalaga na dapat nating maisabuhay lalo na sa patuloy na paggawa ng mabuti. Nararapat lamang na hindi tayo mag-iba ng direksyon sa buhay kung nasa panig na tayo ng kabutihan sapagkat ang magpapahamak sa atin bandang huli ay ang ating pagkilos kung hahayaan lamang nating iligaw ang ating sarili sa paggawa ng kasalanan na siyang hantungan ay kamatayan. At gayun din naman, mula sa turo ni San Pablo, matutunan nawa natin kay Jesus ang halaga ng kababaang-loob na nagsisilbing simula ng lahat ng kabutihan na kung saan ay Siya mismo ang nagpamalas sa atin ng mga pamamaraan kung paano ito maisasabuhay.

Nais ni Jesus na maituwid natin ang landas ng ating buhay sa pamamagitan ng matatag na pagsang-ayon hindi lamang sa salitang mamumutawi sa ating mga labi kundi sa gawang ipamamalas ng ating katawan. Mabigyan nawa natin ng panahong ihanda ang ating mga sarili sa ganitong pagtugon at maiwasang hindi maging totoo sa ating mga pangako. Mahalagang ipamalas natin ang matuwid sapagkat dito rin tayo makikilala at mapagkakatiwalaan hindi lamang ng ibang tao kundi maging ng Diyos na lubos kung magtiwala at magmalasakit sa mga taong nagsisiskap mamuhay ayon sa Kanyang kalooban. Pagharian nawa tayo ng inspirasyon na makita kay Jesus ang halimbawa at hamunin ang sarili na gawin ang kalugod-lugod sa Diyos. Mabuhayan nawa tayo sa panibagong pagkakataon at dito tayo maging totoo sa ating gagawin. Harinawa ay pagpalain tayo ng Diyos sa ating mga gawain at pagkilos. Amen.

Comments are closed.