MAGULO na ang mundo ngayon. Hindi mo alam kung kailan ka sasalakayin ng masasamang loob. Sa social media nga, may mga mapanonood ka na kapag may lumapit o tumigil na motor na magkaangkas, hinahampas ng bag o kaya naman, nilalayuan kaagad.
Mahirap na nga naman ang panahon ngayon lalo na’t napakaraming masasamang loob sa paligid. Ang ilan pa nga ay kagalang-galang ang hitsura. Kumbaga, nakasuot ng pang-opisinang uniform. Hindi mo nga naman mapapansing masama na pala ang balak sa kapwa dahil sa maayos na hitsura. Madalas pa naman na kung sino iyong madungis, iyon ang nilalayuan dahil iyon ang tingin nating gagawa ng masama. Pero iba na ngayon. Maayos man manamit o hindi, puwedeng gumawa ng masama.
At dahil hindi natin tiyak kung kailan tayo mapapahamak at hindi, dapat tayong maging maingat at maging wais saan man tayo naroroon. Kaya naman, narito ang ilang wais tips sa kalye:
MAGING ALERTO SA PALIGID
Habang lulan ng sasakyan, iwasan ang pagtulog o ang pagiging lutang ng isip. May ilan kasi na parang wala sa sarili. Ang iba naman, inaantok kaya’t napapapikit.
Sa mga ganitong pagkakataon kasi ay maaari kang masalisihan. Kaya dapat na maging alerto. Maging maingat. Maging mapagmatiyag sa paligid.
At kapag naglalakad naman, maging mapagmasid sa lugar at sa mga taong nasa paligid. Lumayo rin sa mga naka-motor.
HUWAG MAGLALABAS NG MAMAHALING GAMIT
Iwasan din ang paglalabas ng mamahaling gamit kapag nasa kalye—naglalakad man o nakasakay ng pampublikong sasakyan. Lagi natin itong ipinaaalala pero sa kahiligan ng mga tao sa gadget, hindi pa rin nila mapigil ang sariling gumamit ng cellphone habang naglalakad o kaya naman, nakasa-kay sa sasakyan.
Maraming masasamang taong nakamasid sa atin at naghihintay lang ng pagkakataong makagawa ng masama.
Sabihin mang nakagawian na ng marami sa atin ang paglalabas ng gadget lalo na kung nakasakay sa sasakyan, iwasan pa rin ito dahil hindi mo naman kilala ang mga kasabay mo. Mabuti na nga naman iyong naniniguro kaysa sa magsisi sa huli.
Iwasan din ang pagtingin o paghawak sa cellphone habang naglalakad.
Kaya kung puwede namang gawin, gawin natin. Wala namang mawawala. Maiingatan mo pa ang iyong sarili at maging ang gamit na mayroon ka.
HAWAKANG MABUTI ANG BAG
Kapag naglalakad din o kahit na nakasakay sa sasakyan, siguraduhing kipkip ng mabuti ang bag at hindi ito madaling mahila o makuha. Siguraduhin ding ang mga gamit sa loob ng bag ay nakatagong mabuti o nakalagay sa safe na bahagi o parte.
Halimbawa na lang ang cellphone at wallet, kung maaari ay ilagay ito sa pinakailalim ng bag o sa lugar na hindi basta-basta madurukot. Alam naman nating marami ang mapagsamantala at gagawin ang lahat para makapanlamang ng kapwa.
Huwag ilagay sa bukana ng bag ang cellphone at wallet para hindi basta-basta makukuha. Siguraduhin ding nakasaradong mabuti ang bag. Mainam din kung pipili ng bag na maraming sarahan o zipper at hindi basta-basta nabubuksan.
IWASAN ANG PAGGAMIT NG HEADPHONES
Bukod din sa paggamit o pagtingin ng cellphone habang nasa kalye—nakasakay ka man sa sasakyan o naglalakad, isa pa sa kailangang iwasan ang headphones o earphones.
Kapag kasi may nakalagay sa tainga natin, kung minsan ay hindi natin nalalaman o naririnig ang mga nangyayari sa paligid. Paano na kung biglang nagkagulo?
Kaya para maiwasan ang kahit na anong problema, iwasan ang paggamit ng headpohones o earphones kapag nasa kalye. Kung hindi naman mai-wasan, huwag itong masyadong lalakasan nang marinig pa rin at maging aware sa mga nangyayari sa paligid.
HUWAG MAGLALAKAD NANG MAG-ISA
Mahirap na nga naman sa panahon ngayon ang maglakad nang mag-isa lalo na kung madilim na o gabi na. Kung gagabihin sa pag-uwi, maghanap ng makakasama. Huwag ding maglalakad sa madidilim na lugar. Kung sasakay rin ng dyip, kilatisin ang mga makakasabay. Kung nag-aalangan ay huwag nang sumakay. Kung magta-taxi naman, bago sumakay ay siguraduhing bukod sa driver ay walang tao sa loob ng sasakyan. I-lock din ang pinto pagkasakay nang taxi.
Marami ang puwedeng mangyari sa panahon ngayon kaya’t dapat tayong mag-ingat. CT SARIGUMBA
Comments are closed.